DATA-DRIVEN, VALUES-CENTERED AGENDA NG CHED, SUPORTADO NI CAYETANO

Ni Ernie Reyes

Sinuportahan ni Senator Alan Peter Cayetano nitong Miyerkules ang seven-point agenda ng Commission on Higher Education (CHED) para sa 2025-2030 na dapat nakasentro sa values at naka-base sa datos ang sistema ng edukasyon para tunay na mailabas ang potensyal ng estudyanteng Filipino.

Bilang tagapangulo, pinangunahan ni Cayetano ang organizational meeting ng Senate Committee on Higher, Technical, and Vocational Education nitong August 27, kung saan tinalakay mga programa, proyekto, at priority legislation ng CHED sa mga susunod na taon.

“All around the world, tinitingala ang Pilipino. So ang trabaho ng education – DepEd, CHED, and TESDA – is to provide the good soil or the environment so that the seed can prosper,” punto ni Cayetano.

Sinabi ni CHED Chairperson Shirley Agrupis sa pagdinig na bagama’t tumaas ang bilang ng mga estudyanteng nakakapasok sa kolehiyo mula nang maipasa ang free college law, nananatiling problema ang kakulangan ng pondo para sa mga gusali at pasilidad ng state universities and colleges (SUCs).

Nangako naman si Cayetano na patuloy niyang isusulong ang pagkakaroon ng mas malaking pondo para sa SUCs. Katunayan, inatasan na niya ang kanyang team na alamin ang mga pangangailangan sa budget, imprastruktura, pati development plan ng bawat SUC.

“From December to January (next year), I gave them a mission to ask every SUC kung magkano talaga [ang kailangan nila], may five-year plan ba sila, may infrastructure plan ba sila – basics lang,” sabi ng senador.

“As you said, the new CHED will be guided by science and be data-driven… So let’s get the data… I think that’s something we can do together,” aniya sa CHED.

Sa pagdinig, inilatag ni Agrupis ang A.C.H.I.E.V.E. agenda ng CHED na nakatuon sa education access, quality, at job matching. Naka-angkla ito sa values na “integrity, agility, modesty, service, accountability, results, and transparency.”

Malugod naman itong tinanggap ni Cayetano, na kilala sa kanyang faith-based at values-oriented na pananaw sa pamumuno.

Nitong June, inihain niya ang panukalang Filipino Identity in Values Act para gawing bahagi ng pagtuturo sa lahat ng paaralan at opisina ng gobyerno ang mga Filipino values.

“We are looking for solutions for projects and efficiency. But long term, it’s really the DepEd, [together with the] parents and churches’ values that will make a lasting impact,” wika niya.

Bukod dito, binigyang diin ni Cayetano ang kahalagahan ng mas matibay na koordinasyon sa pagitan ng CHED, DepEd, at TESDA. Aniya, “there is wisdom in trifocalization,” pero dahil sa misalignment, hindi nagiging epektibo ang implementasyon ng K-12 program at technical-vocational certification.

Tugon ng CHED, nagsimula na silang magsagawa ng buwanang pagpupulong kasama ang dalawang ahensya para tugunan ang problema.

Dagdag naman ni Cayetano, isa sa mga pangunahing tututukan ng komite sa 20th Congress ay ang pagpasa ng EDCOM 3 bill, para mas mapalakas ang ugnayan at integrasyon ng mga reporma sa edukasyon.

“One of the changes is we’re going to ask the heads of DepEd, CHED, TESDA to sit together, so parang parliamentary na. So instead of purely legislative naming ibibigay sa inyo [ang recommendations], we’ll be integrated already,” paliwanag niya.

Bilang bahagi ng organizational meeting, bumuo na rin ang komite ng mga technical working group para simulan ang talakayan sa Makakapagtapos Ako Act of 2025 at EDCOM III bill, na parehong inihain ni Cayetano; mga panukalang batas na mag-aamyenda sa sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act (RA 10931); at mga panukalang batas para sa governance framework ng local universities and colleges.

(Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews)