Itatalagang Ombudsman, dapat walang bahid ng katiwalian, matalino – Cayetano
Ni Ernie Reyes
Iginiit ni Senator Alan Peter Cayetano nitong Huwebes na ang susunod na Ombudsman ay dapat mapili base sa tinatawag niyang “three I’s” — integrity, intelligence, at insight — na mahalaga upang matukoy agad ang korapsyon at maagapan bago pa sumabog bilang iskandalo.
Sa panayam ng mga mamamahayag matapos ang August 28 interview ng unang batch ng mga aplikante para Ombudsman na magtatagal hanggang September 2, binigyang diin ni Cayetano — kinatawan ng Senado sa Judicial and Bar Council (JBC) at chair ng Senate Committee on Justice and Human Rights — ang bigat ng ilang katangiang ito para sa susunod na pinuno ng anti-graft office.

“Y’ung integrity kasi, kahit anong talino mo, kung corrupt ka o hindi ka mapagkakatiwalaan, bale-wala. Ngayon, kung may integrity at honest ka, pero mas matalino sa ’yo lahat ng corrupt, wala rin mangyayari,” wika niya.
Dagdag pa niya, mahalaga ang pagkakaroon ng pananaw o insight para maagapan agad ang iregularidad. “Y’ung insight, katulad nitong nangyari dito sa DPWH, medyo it’s the best-kept secret in the sense na ngayon lang pumutok. But it’s not a secret anymore,” wika niya.
Binigyang diin din ni Cayetano na dapat makasabay ang susunod na Ombudsman sa mabilis na daloy ng impormasyon sa makabagong panahon.
“Iba na y’ung age ngayon na instant ang news. Most of you now naka-cellphone na rather than those na naka-big cameras. Some of you, naka-post o naka-live na agad. So, kailangan up-to-date y’ung bagong Ombudsman sa mga bagong sistema na ganyan,” wika niya.
Paalala pa ng senador, ang kapangyarihan ng Ombudsman ay hindi gantimpala kundi responsibilidad.
“Ang power ay ibinibigay for God’s purpose, not for you. It’s not a reward. It’s a tool for you to get something done. And, usually, that something is a problem that you can solve,” wika niya.
Nanawagan rin siya ng pag-iingat sa pagpili dahil sa mahabang kasaysayan ng pamahalaan ng inefficiency, nepotism, at korapsyon na dapat nang putulin.
“Napakahalaga na tama ang mapili nating Ombudsman. Given y’ung nangyayari ngayon sa DPWH, given y’ung perennial na nangyayari sa iba’t ibang departamento, having a very proactive but balanced Ombudsman will really change so much,” aniya.
(Ernie Reyes para sa RoadNews)