Pagtanggi ng PCAB sa ‘accreditation for sale’ sa private contractor, inupakan ni Lacson

ni Ernie Reyes

Sa halip na tuluyang at ganap na itanggi ang isyu ng “accreditation for sale” sa flood control at iba pang infrastructure projects, dapat gumanap ng aktibong papel ang Philippine Construction Accreditation Board (PCAB) upang tugunan ang problema, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Biyernes.

Ani Lacson, bagamat naglabas ng pahayag ang PCAB na ang shortcuts-for-a-fee ay hindi nito gawain kundi ng mga scammer, dapat pa rin nitong ipaliwanag kung paano nakakuha ng accreditation ang ilang contractor matapos magbayad.

“Instead of merely denying reports of misconduct involving what they claim to be scammers misrepresenting them, PCAB leadership should look at their own people and police their ranks. For how can they explain why certain contractors who, after coughing up at least P2 million were actually issued accreditation by PCAB?” ani Lacson.

“As they say, the test of the pudding is in the eating,” dagdag niya, patungkol sa pahayag ng PCAB kung saan iginiit nitong prayoridad nito ang panatilihin ang integridad ng licensing system nito.

Ang PCAB ay isang ahensya ng pamahalaan na nasa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI) at isa sa mga implementing Boards ng Construction Industry Authority of the Philippines (CIAP).

Noong Miyerkules, ibinunyag ni Lacson ang impormasyong nakarating sa kanya na ang PCAB ay nauugnay sa “accreditation for sale.” Aniya, ilang pribadong contractor na nakausap niya ang nagsabing kaya umanong asikasuhin ng PCAB ang mga papeles kapalit ng P2 milyon para sa unang pagkakataon.

Samantala, sa interpellation ni Senate Minority Leader Vicente Sotto III sa privilege speech ni Lacson hinggil sa isyu ng flood control, binanggit nitong isang contractor na konektado sa isang ghost project sa Bulacan ay nabigyan pa ng PCAB license renewal para sa 2025 hanggang 2027.

Dagdag pa ni Lacson, nagbibigay o nagre-renew din ng accreditation ang PCAB kahit sa mga kumpanyang binanggit ni Sotto na may kaso sa Court of Tax Appeals, o pinapayagan ang mga kumpanyang may Single A accreditation na makakuha ng malalaking proyekto.

Noong Huwebes, naglabas ng pahayag ang PCAB na may mga “certain individuals and entities” umano sa social media na nagsasabing konektado sila sa PCAB at nag-aalok ng “shortcuts” kapalit ng bayad. Iginiit ng PCAB na sila ay naging “proactive” sa pagtugon sa ganitong mga isyu.

Muli ring iginiit ni Lacson ang kanyang hamon sa PCAB na makipagtulungan sa mga ahensya gaya ng Securities and Exchange Commission (SEC) para sugpuin ang sabwatan sa likod ng mga substandard at ghost infrastructure projects.

“Dapat check and balance sa halip na collusion,” aniya. 

(Ernie Reyes para sa RoadNews)