Sabwatan Ng Pulitiko, DPWH,  at Private Contractors sa Anomalya Ng Flood Control Projects, Lalansagin ni Lacson

Ni Ernie Reyes

Sa gitna ng patuloy na pagbaha ng mga “isolated cases” ng flood control projects, itinulak ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson ang mas matibay na koordinasyon at pagtutulungan ng mga kaukulang ahensya ng gobyerno upang malansag ang sabwatan ng pulitiko, opisyal ng public works at private contractor na nasa likod ng mga substandard at ghost projects.

Patuloy na bineberipika ni Lacson ang mga bagong impormasyon na natatanggap niya at ng kanyang staff ukol sa mga tiwaling flood control projects bukod pa sa mga detalyeng inilatag niya sa kanyang privilege speech noong Agosto 20.

“Isolated case here, isolated case there, isolated cases everywhere. Maybe we should start looking for an isolated case of a corrupt-free, properly implemented flood control project,” ani Lacson.

Noong Miyerkules, binigyang-diin ni Lacson na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ay tila nagiging pugad ng korapsyon, na kinasasangkutan din ng ibang ahensya gaya ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB).

Iminungkahi ni Lacson na makipagtulungan ang PCAB sa Securities and Exchange Commission (SEC) upang masuri kung ang mga kontraktor na naghahanap ng akreditasyon ay dati nang na-blacklist.

“Kung ma-check by way of a good record check and background investigation, kung blacklisted at ma-trace, huwag nila i-register as a corporation,” ani Lacson sa interpelasyon ng kanyang privilege speech hinggil sa mga substandard at ghost flood control projects.

“So close coordination and cooperation among different agencies of government, huwag lang sila mag-collude. Dapat check and balance sa halip na collusion,” dagdag niya.

Sa kanyang interpelasyon, tinanong ni Sen. Risa Hontiveros kung paano napupunta sa piling kontraktor ang mga proyekto, kung paano naiimpluwensyahan ang bidding, at kung bakit nakakalusot sa pananagutan ang mga sangkot dito.

Itinanong din ni Hontiveros kung paano magiging epektibo ang blacklisting kung madaling makapagtatayo ng bagong kumpanya ang mga kontraktor at makakakuha pa rin ng kontrata.

“The real culprit is collusion,” tugon ni Lacson.

Binigyang-diin din ni Lacson na dapat ayusin ang mga isyung bumabalot sa PCAB. Ang PCAB ay isang ahensya ng gobyerno sa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI) at bahagi ng Construction Industry Authority of the Philippines (CIAP).

Batay sa Republic Act 4566 na inamyendahan ng P.D. No. 1746, bawal pumasok sa negosyo ng contracting ang sinumang walang lisensya mula sa PCAB.

Hinimok din ni Lacson na repasuhin ang batas na lumikha sa PCAB, matapos makatanggap ng impormasyon na ginagamit umano ng board ang “accreditation for sale.”

“I talked to some private contractors, they had this experience … Sila na ang bahala sa bank certificate and other requirements, for a fee of P2 million for the first time,” aniya.

Sa kanyang interpelasyon, binanggit ni Senate Minority Leader Vicente Sotto III na isang kontraktor na konektado sa ghost project sa Bulacan na ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay muling nabigyan ng lisensya ng PCAB mula 2025 hanggang 2027, dahilan upang makasali ito sa malalaking proyekto ng gobyerno. “How can this happen?” ani Sotto.

“It is the PCAB that issues accreditation even to agencies na nabanggit ni Sen. Sotto na may kaso sa Court of Tax Appeals, i-renew pa ang accreditation. Single A ang accreditation bibigyan ng malaking project,” diin ni Lacson.

Sinabi niya na dapat talakayin ito sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa mga flood control projects, kasama ang PCAB, DPWH, at iba pang kaukulang ahensya.

Sumang-ayon si Lacson sa suhestiyon ni Sotto na mula sa isang taon, dapat ay tatlo hanggang limang taon ang tagal ng blacklisting ng mga tiwaling kontraktor. Pabor din siya sa mungkahi na lagyan ng limitasyon ang dami ng proyektong maaaring mapanalunan ng isang kontraktor mula sa gobyerno.

“I think we should revisit RA 4566 para ma-check itong, anomaly, kailangan update natin ang batas,” ani Lacson.

Hinimok din ni Lacson na siyasatin ang interlocking directorships ng ilang kontraktor, matapos mapansing may mga dokumento ng korporasyon na magkakapareho ang mga direktor.

“This is a practice committed by unscrupulous corporations that deal with government, particularly flood control projects,” aniya.

Higit sa lahat, iginiit ni Lacson na dapat may malapit na koordinasyon ang mga ahensya ng gobyerno upang masugpo ang sabwatan. “Dapat check and balance sa halip na collusion,” dagdag niya.

(Ernie Reyes para sa RoadNews)