“IPATAWAG DIN PATI ANG MISTERMIND” – MAYOR VICO SOTTO

NAGBAHAGI ng opinyon si Pasig City Mayor Vico Sotto kaugnay sa patuloy na isinasagawang pagdinig ng Senado sa ilalim ng Blue Ribbon Committee ukol sa kontrobersyal na proyektong flood control.

Sa kanyang social media post, iginiit ni Sotto ang kahalagahan ng katotohanan at pagiging accountable ng mga pinatawag sa hearing. Aniya, “Mamaya lista natin lahat ng mga… sabihin na lang nating ‘inaccuracy’ sa mga sinabi nila… Based on documents, records, and their own words.”

Binigyang-diin din ng alkalde na dapat tandaan ng mga sangkot na sila ay nagsasalita “under oath” o nanunumpa sa harap ng Senado. Hiniling din niya na sa mga susunod na pagpupulong ay hindi lamang ang babaeng nasasangkot kundi pati na ang tinaguriang “Mistermind” ang dapat na magharap at managot.

Ang kanyang pahayag ay nakakuha ng malawakang suporta at reaksyon mula sa netizens, na pumupuri sa kanyang prinsipyo at paghangad ng transparency sa gobyerno.

Kasabay ng post na ito ng alkalde ay isinasagawa sa Session hall ng Senate ang Senate Committee on Accountability of Public Officers and Investigations, o Blue Ribbon Committee, ang motu proprio inquiry kaugnay sa umano’y iregularidad sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga proyektong flood control na nagresulta sa malawakang pagbaha at problema sa baha sa bansa.

(Jovan Casidsid nag-uulat para sa RoadNews)