NPC, Pinasuspinde ang Operasyon ng Tools for Humanity Dahil sa Paglabag sa Data Privacy

0

Mahigpit na inutusan ng National Privacy Commission o NPC ang tech firm na Tools for Humanity na itigil ang kanyang mga operasyon sa bansa. Naglabas ang komisyon ng isang Cease and Desist Order, na nag-uutos sa kumpanya na pansamantalang ihinto ang lahat ng pagproseso ng personal na datos na may kaugnayan sa World App at sa kanilang Orb verification.

Ayon sa NPC, natukoy sa kanilang pagsisiyasat na ang mga pamamaraan ng Tools for Humanity sa pagproseso ng datos ay lumabag sa mga prinsipyo ng privacy. Partikular na binanggit ang pag-alok ng monetary incentives kapalit ng pagpapa-scan ng iris, isang gawain na itinuring na “undue influence” at labis para sa layunin ng pagpapatunay ng pagkatao.

Iginiit ng ahensya na nabigo ang kumpanya na ipaalam nang malinaw sa publiko ang buong layunin, saklaw, at haba ng kanilang pagproseso ng datos. Anila, ang pagpapatuloy ng ganitong operasyon ay maglalagay sa mga Pilipino sa panganib ng identity theft, fraud, at pinsala sa reputasyon.

Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Deputy Commissioner Jose Amelito Belarmino II, “The integrity of a Filipino citizen’s biometric data is non-negotiable… When consent is compromised by the lure of compensation, it ceases to be a genuine expression of choice.”

Ngunit sa kabila ng mahigpit na pagkilos ng NPC, naghain na ng pagtutol ang kinatawan ng World sa Pilipinas. Ayon sa kanila, ang desisyon ay “nakakagulat” at isang “setback” para sa responsable ng digital innovation. Sinabi ng kumpanya na dadaan sila sa isang motion for reconsideration, at binigyang-diin na sila ay sumailalim na sa isang taong proseso ng pagsunod sa regulasyon, kabilang ang pagsali sa Sandbox Program ng DICT.

Giit pa ni Ryuji Wolf, isang lokal na operator ng World sa Pilipinas, “The order comes as a surprise given we worked closely with regulators to ensure that our technology not only meets but exceeds the country’s data protection requirements.”

Panghuli, tiniyak ng kumpanya na ang kanilang sistema ay hindi nag-iimbak o nagbebenta ng biometric data at idinidelete ang mga imahe sa loob ng ilang segundo.

Darwell Baldos nag-uulat para sa Roadnews.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *