CSC kinalampag ni Gatchalian sa job order, contractual sa gobyerno: ‘Ipagtanggol sila’
Ni Ernie Reyes
Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang Civil Service Commission (CSC) na suriing mabuti ang buong puwersa ng mga mangagawa sa gobyerno lalo na ang mga empleyadong contractual (COS) at job order (JO) na nananatiling walang permanenteng posisyon.
Sa pagdinig hinggil sa iminumungkahing pondo ng CSC para sa 2026, binanggit ng chairperson ng Committee on Finance na habang patuloy na dumarami ang mga bakanteng posisyon sa gobyerno, tumataas din ang bilang ng mga empleyadong job order at contract of service.
Sa kasalukuyan, may pinagsamang 919,868 na job order at contractual na empleyado sa buong burukrasya ng gobyerno, na bumubuo sa humigit-kumulang one third ng buong government workforce.
“Salungat ‘yan. Dapat i-fill up ‘yung authorized positions para may security of tenure na magpapa-angat ng morale at magbibigay ng eligibility kung nakapasa sila sa exam. Makakakuha din sila ng mga benepisyo,” wika ni Gatchalian.
Paliwanag ng CSC, ang mga manggagawang ito ay labas sa kanilang hurisdiksyon, at ang DBM (Department of Budget and Management) at COA (Commission on Audit) ang nangangasiwa sa kanila.
Ibinahagi rin na tinatalakay ng tatlong ahensya ang posibleng mga benepisyo at mas mahabang term para sa mga manggagawang ito.

“Ang CSC dapat ang magtaguyod para sa mga job order at contractual na empleyado. Ang pamahalaan ay kumikilos bilang iisa. Kung kailangan ninyo ng batas, susuportahan namin, o pwedeng sapat na ang isang executive order,” dagdag ni Gatchalian.
Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews