Shareholders, execs ng contractor sa flood control scandal, pinaba-ban sa DTI
Ni Ernie Reyes
Hinikayat ni Senador Win Gatchalian ang Department of Trade and Industry (DTI) na magpataw ng permanenteng pagbabawal sa lahat ng shareholder, incorporator, at opisyal ng mga kumpanyang sangkot sa proyektong imprastraktura ng gobyerno na pawang ‘ghost’ at substandard.
Ang DTI ang nangangasiwa sa Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB), na responsable sa pagrerehistro at pagre-regulate sa mga kontratista.

“Napakadaling gumawa ng korporasyon dito, at pare-pareho lang ang mga shareholder. Ang suggestion ko i-ban ang mga shareholder at incorporator. Mag-iincorporate na naman sila at papalitan lang ang pangalan ng kumpanya. Dapat hindi na sila sumali sa mga proyekto ng gobyerno,” pahayag ni Gatchalian sa pagdinig tungkol sa panukalang pondo ng DTI para sa 2026.
Aniya, dapat sundin ng PCAB ang katulad na patakaran na ipinapatupad ng Government Procurement Policy Board (GPPB), kung saan umaabot hanggang sa mga shareholder at mga kamag-anak ang pagba-blacklist ng mga kumpanyang sumasali sa government bidding.
Ang GPPB ang nagsisilbing sentrong ahensiya para sa patakaran sa public procurement sa bansa.
“Kailangan nating parusahan ang mga supplier at kontratista na ito. Kahit parusahan sila ng PCAB, nakakaya pa rin nilang sumali sa iba pang mga kontrata ng gobyerno, kasama na ang mga proyekto ng pagsu-supply. Kaya, makipag-ugnayan din dapat sa GPPB. Kapag ban na sa PCAB, dapat ban na agad sa GPPB at vice versa,” sabi niya sa DTI.
Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews