Tibay at kahandaan ng school buildings sa lindol, susuriin ni Aquino: ‘Matibay ba?’

0

Ni Ernie Reyes

Kakayanin ba ng ating mga pampublikong paaralan ang malalakas na lindol?

Ganito ang tanong ni Senador Bam Aquino sa Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) hinggil sa kahandaan ng pamahalaan sakaling dumating ang kinatatakutang “The Big One,” sa bansa.

Dahil dito, inihayag ni   Aquino na nakatakda siyang maghain ng isang resolusyon upang suriin ang kahandaan ng lahat ng pampublikong school buildings sa buong bansa sakaling tumama ang malalakas na lindol, matapos ang ilang nangyaring pagyanig sa iba’t ibang lugar.

“Mahalagang malaman kung gaano kahanda at gaano katibay ang ating mga paaralan sa pagtama ng malalakas na lindol para sa kaligtasan ng mga estudyante, mga guro, mga magulang, at iba pang mga nagtatrabaho sa mga paaralan,” ani Aquino, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

Binigyang-diin ni Aquino ang kahalagahan ng pagtiyak sa kaligtasan at kalidad ng mga gusali ng paaralan, lalo na matapos ang pag-amin ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Assistant District Engineer Brice Hernandez na lahat ng proyektong imprastraktura sa Bulacan mula 2019 hanggang kasalukuyan ay substandard, kabilang na ang mga silid-aralan.

“Kapag ang pondo sa mga paaralan ay kinurakot at binudol, pinapahamak ang mga estudyante sa bagyo at lindol. Huwag nating isugal ang buhay ng ating mga kababayan Mas mabuting matiyak ang kahandaan at kaligtasan ng ating mga school building laban sa mga pagyanig,” giit niya.

Itutulak ni Aquino ang paglalaan ng karagdagang pondo para sa inspeksyon at pagsusuri ng mga pampublikong school building upang matiyak ang tibay at kaligtasan ng mga ito.

Bukod sa pagsusuri sa tibay at kaligtasan ng mga school building, sinabi ni Aquino na tatalakayin din sa planong imbestigasyon ang pinsalang dulot ng mga nagdaang lindol at ginagawang pagkilos ng mga kaukulang ahensya upang matiyak na muling magamit ng mga mag-aaral ang mga apektadong paaralan sa lalong madaling panahon.

“Kailangan din nating alamin ang mga ginagawang pagkilos ng mga ahensiya ng gobyerno upang maisaayos ang mga school building at silid-aralan para magamit na ng ating mga estudyante sa lalong madaling panahon at para hindi maantala ang kanilang pag-aaral,” aniya.

Kasama rin sa imbestigasyon ang mga panukalang hakbang upang mapalakas ang disaster preparedness ng mga paaralan, kabilang ang regular na inspeksyon, pagsasagawa ng earthquake drills at evacuation protocols, at pagkakaroon ng mga earthquake emergency kit.

“Ang ating mga paaralan ay dapat maging ligtas na kanlungan sa oras ng sakuna, hindi karagdagang panganib. Panahon na para tiyaking matatag at handa ang ating mga estudyante at mga guro sakaling tumama ang malakas na lindol,” wika pa ni Aquino.

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *