Mandatory Trustmark ng online sellers, Pansamantalang Sinuspinde ng DTI – Bam
Ni Ernie Reyes
Nagpasalamat si Senador Bam Aquino sa Department of Trade and Industry (DTI) sa desisyon nitong ipagpaliban muna ang pagpapatupad ng mandatory Trustmark requirement para sa mga online business.
“Nagpapasalamat tayo sa DTI sa kanilang pasya na pansamantalang ipagpaliban muna ang pagpapatupad ng mandatory Trustmark requirement para sa ating online micro, small, and medium enterprises,” ani Aquino.

“Malaking tulong at gaan ang desisyong ito para mabawasan ang pasanin ng ating online sellers,” dagdag pa niya.
Ginawa ni Aquino ang kanyang pahayag matapos ilabas ng DTI ang desisyon na gawing boluntaryo muna ang Trustmark requirement hanggang sa katapusan ng taon bago maglabas ng pinal na pasya ukol dito.
Una nang nanawagan si Aquino sa DTI na muling pag-aralan at rebyuhin ang kautusang gawing ang mandatory Trustmark mandatory para sa lahat ng online business, dahil isa itong dagdag na pasanin para sa micro, small and medium enterprises (MSME).
Ang Trustmark ay isang digital badge na nagsisilbing pagkilala ng pamahalaan sa mga online merchant at platform na tumutupad sa mga pamantayan ng tiwala, kaligtasan, at patas na e-commerce practices.
Hinimok din ni Aquino ang DTI na paigtingin ang kampanya laban sa mga scam sa online selling platforms, kasabay ng pagdiriwang ng Consumer Welfare Month.
“Nananawagan tayo sa DTI na paigtingin pa ang kampanya laban sa mga scam sa online selling platforms, na inaasahan nating tataas ngayong panahon ng kapaskuhan,” aniya.
Pinaalalahanan din ng senador ang mga mamimili na maging mapanuri at mapagmatyag laban sa mga scam at tiyaking lehitimo ang mga online seller bago bumili.
Bilang kinikilalang tagapagtanggol ng MSME at mga konsyumer, si Aquino ang pangunahing may-akda at sponsor ng Go Negosyo Act (Republic Act 10644) noong siya ay chairperson ng Senate Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship.
Layunin ng batas na bigyan ng mas malawak na access sa merkado at pondo ang mga MSME, magbigay ng training at mga programa na magpapalakas sa kanilang kakayahan, at pasimplehin ang proseso ng business registration para sa mga negosyanteng nagsisimula o nagpapalawak ng kanilang negosyo.
Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews