RTL ni Cynthia Villar, ‘NAGING LASON, DI PATABA’ sa lokal na magsasaka – Pangilinan
Ni Ernie Reyes
Malapit nang maamyendahan ang Rice Tariffication Law (RTL) na mahigpit na isinulong ni dating Senador Cynthia Villar sa nakaraang administrasyon dahil nagmistula itong “lason” sa halip na maging pataba sa lokal na magsasaka ng palay.
Sa pahayag, sinabi ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan, chairman ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform na nakapagsagawa ng ikalawang pagdinig ang lupon hinggil sa naturang batas na hindi nakakabuti sa lokal na magsasaka.

“Kung patakaran at polisiya ang lupang tatamnan ng sektor ng agrikultura, malinaw na isang naging lason (at) hindi pataba ang naging epekto at resulta ng Rice Tariffication Law,” ani Pangilinan, sa kanyang opening statement.
Sa ginanap na pagdinig, sinabi ni Pangilinan na nakatakdang likhain ang technical working group na magpupulong upang gumawa ng committee report na may layunin na amendahan ang batas, na nagpahina sa kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) at pinayagang pumasok ang mas maraming bigas sa halip na suportahan ang lokal na magsasaka.
“Sisiguraduhin natin na ang mga repormang isusulong ay tunay na tutugon sa kakulangan sa polisiya at magpapatatag sa ating mga institusyon,” paliwanag ni Pangilinan.
Base sa datos mula sa Philippine Statistics Authority na nitong September 2025, umabot saP15.60 kada kilo ang farmgate price ng palay.
Pero, nagreklamo ang maraming organisasyon ng magsasaka dahil umaabot sa P8 kada kilo ang farm gate price ng palay dahil dinudurog ng imported rice na nagpapahirap sa ating magsasaka at malubhang banta sa industriya ng bigas.
Binanggit din ni Pangilinan ang mananamantala sa presyo, iregularidad sa warehouse at pagkawala ng awtoridad ng NFA upang protektahan ang magsasaka at consumer.
Sinuportahan ni Pangilinan ang planong overhaul ng sistema sa NFA upang maisagawa ang calibrate intervention, palakasin ang extension services at gawing moderno ang ahensiya na isinusulong ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
“So, yung dalawang E.O. na yun hopefully within the month, ay ma-i-issue na (at) tututukan natin ‘yan. Sa tulong ng mga katuwang sa pamahalaan, pribadong sektor, at mga magsasaka mismo, sama-sama nating itatag ang mga repormang magpapatibay sa kinabukasan ng agrikultura, pagsasaka, at kabuhayan ng bawat Pilipino,” aniya.
Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews