Badyet ng 3.5M estudyante sa Libreng Kolehiyo Law, tiniyak ni Aquino
Ni Ernie Reyes
Tiniyak ni Senador Bam Aquino na may pondo para sa 3.5 milyong benepisaryo ng Libreng Kolehiyo Law sa lahat ng state universities and colleges (SUCs), local universities and colleges (LUCs), at pribadong educational institutions sa 2026 national budget.
Nais din ni Aquino na pataasin pa ang bilang ng mga benepisyaryo ng Republic Act No. 10931, o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act, na kanyang isinulong bilang principal sponsor sa kanyang termino bilang chairperson ng Senate Committee on Education.

“We will push for more scholarships and ito pong 3.5 million students na may suporta sa gobyerno, we will do our best na itaas pa ito,” ani Aquino sa pagdinig ng budget ng Commission on Higher Education (CHED).
Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 2.2 milyong estudyante sa mga SUC at LUC ang nakikinabang sa Republic Act No. 10931, o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act, na si Aquino ang pangunahing sponsor noong una niyang termino bilang chairperson ng Senate Committee on Education.
Samantala, humigit-kumulang 1.3 milyong estudyante naman sa mga pribadong pamantasan at kolehiyo ang tumatanggap ng suporta mula sa pamahalaan sa pamamagitan ng Tertiary Education Subsidy (TES) at ng Tulong Dunong Program (TDP) sa ilalim ng parehong batas.
Hinimok ni Aquino ang CHED na maglabas ng malinaw na schedule ng mga scholarship at target na bilang ng mga benepisyaryo upang magabayan ang Senado sa pagmo-monitor at paglalaan ng sapat na pondo para sa epektibong pagpapatupad ng batas sa mga susunod na taon.
“Ang maganda siguro sa TES, we look at how many beneficiaries iyong nais nating maabot para guided tayo hindi lang alokasyon ng budget pero iyong dami talaga ng benepisyaryo,” pahayag ni Aquino.
“We want to see the amount for the succeeding years kasi palaki nang palaki iyan. We want to see kung sustainable ito moving forward,” dagdag pa niya.
Hinimok din ng senador ang CHED na pasimplihin ang mga patakaran para sa TES at TDP upang mas maraming mahihirap na estudyante sa mga pampubliko at pribadong paaralan ang makinabang.
“Iyong mga nasa poverty or slightly above the poverty line, kailangan pa rin ng tulong. I’ve said this from the first time na binuo iyong RA 10931, iyon pa rin po ang posisyon ko. Marami pong nangangailangan,” diin ni Aquino.
“Hindi masama na mabigyan ng tulong iyong mga kabataan sa SUC at LUC, at iyong kabataang nangangailangan sa private universities na alam nating napakarami rin naman,” dagdag pa niya.
Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews