Cayetano: Palakasin ang papel ng barangay laban sa lumalalang child stunting sa bansa

0

Iginiit ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Huwebes na dapat bigyang-lakas ang mga barangay para pangunahan ang laban kontra child stunting at kakulangan sa maayos na early childhood care dahil ito ay mas nakikita sa mga lokal na komunidad.

Ito’y matapos depensahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang panukalang P287.48-bilyong budget nito para sa 2026 sa Senado nitong October 16, na kinabibilangan ng pondo para sa early childhood programs at pagtatayo ng 50 bagong child development centers sa buong bansa.

Sa naturang pagdinig, lumabas na may humigit-kumulang 3,810 barangay pa rin sa bansa ang walang daycare centers. Ayon naman sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) Year 2 Report na inilabas noong panahon na co-chair si Cayetano, umaabot pa sa 5,800 barangay ang walang ganitong pasilidad.

Binigyang diin ni Cayetano na kailangang agarang tugunan ang problema sa malnutrisyon at kakulangan sa maagang pagkatuto sa pamamagitan ng aksyong nakabatay sa komunidad, lalo na’t isa sa bawat apat na batang Pilipino na wala pang limang taong gulang ay stunted — isang seryosong kondisyon ng chronic undernutrition na maaaring magdulot ng permanenteng epekto sa paglaki at pag-unlad ng bata.

“Marami sa stunted na bata ang magiging future PWDs. The more that we take care of the stunting now, the less we have to spend on the interventions later on,” wika niya.

Kamakailan, inihain ni Cayetano ang Senate Bill No. 2808 o Anti-Stunting Action Plan (ASAP) Council Act na naglalayong bumuo ng isang high-level inter-agency council para pag-isahin ang mga pambansa at lokal na hakbang laban sa child stunting.

Sa ilalim ng panukala, inaatasan ang DILG, Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of Education (DepEd) na magsanib-puwersa sa pagpapatupad ng mga programa sa nutrisyon, kalusugan, at edukasyon, pati na rin sa pagbuo ng isang pambansang stunting database para sa mas maayos na monitoring at implementasyon ng mga programa laban dito.

Kaugnay nito, muling inihain din ni Cayetano ang Senate Bill No. 419 o “Mahal Ko, Barangay Health Worker Ko Law,” na layong gawing propesyonal at bigyan ng tamang kompensasyon at benepisyo ang mga barangay health worker (BHW).

Nakasaad sa panukala ang pagbibigay ng patas na sahod, benepisyo, at regular na pagsasanay sa mga BHW, gayundin ang pagtatatag ng Special BHW Assistance Program upang matulungan ang mga lokal na pamahalaan na mapanatili ang kanilang health workforce.

Ayon kay Cayetano, parehong layunin ng mga panukalang ito na gawing tunay na frontline ng pambansang kaunlaran ang mga barangay.

Dagdag pa niya, ang pagkakahanay ng mga programa ng DILG sa early childhood care at community-based nutrition at health initiatives ay makasisiguro na bawat bata ay makatatanggap ng wastong alaga sa mga unang taon ng kanilang buhay.

“As frontline health providers in their communities, they (BHWs) serve as the crucial link between government health services and the people. There shall be priority for the needs of the children,” wika niya.

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *