CONSTRUCTION ng Conception Dos Super Health Center, TULOY-TULOY NA!
MARIKINA CITY | Habang humaharap si Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa sa Independent Commission on Infrastructure (ICI), sinimulan naman ngayong Biyernes (Oktubre 17) ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina ang konstruksyon para sa pagtatapos ng Concepcion Dos Super Health Center, bilang pagtupad sa pangako ni Mayor Marcy “Maan” Teodoro na tapusin ang proyekto.
Inatasan ni Mayor Maan si Architect Raymond Aquino ng City Architectural Office na magmobilisa ng mga tauhan mula sa City Engineering Department sa lugar ng proyekto upang simulan ang ikalawang yugto (phase 2) ng konstruksyon.
Ilan sa mga heavy equipment pangkonstruksiyon tulad ng backhoe at tatlong dump truck ang ipinadala sa lugar para sa dalawang araw na clearing operation upang alisin ang mga damo, debris, at ayusin ang mga harang o board-up sa paligid.
Sa darating na Lunes (Oktubre 20), sisimulan na ng lungsod ang mismong pagtatayo ng gusali ng health center.
Ayon sa alkalde, ang Super Health Center ay hindi lamang karaniwang pasilidad pangkalusugan. Ito ay magiging apat na palapag na multi-specialty building na magbibigay ng mga pangunahin serbisyong medikal, at magkakaroon din ng Autism Center para sa mga batang may espesyal na pangangailangan.
Dagdag pa ni Mayor Maan, mula ngayon ay ang lokal na pamahalaan na mismo ang mangangasiwa sa konstruksyon, at hindi na ito dadaan sa third-party contractor.
“Ibig sabihin po, by administration na ang construction — equipment, materials, workers, lahat provided na ng city government,” paliwanag ni Mayor Maan.
Sa isinagawang hindi koordinadong inspeksyon ng DOH noong Oktubre 15, nakita umano ng kagawaran na natakpan ng mga damo at halaman ang lugar.
Paliwanag ng alkalde, ito ay dahil hindi pa rin nagbibigay ng pondo ang DOH para sa pagpapatuloy ng ikalawang yugto ng proyekto.
“Noong unang nag-inspect ang DOH, puro dahon at damo ang nakita nila kasi matagal na naming nire-request sa kanila ang pondo para sa Phase 2. Pero walang tugon ang DOH,” ani Mayor Maan.

“Ngayong araw, tuloy-tuloy na ulit ang konstruksyon ng ating Super Health Center. May backhoe, dump trucks, at vacuum trucks na dineploy sa site. Makikita na talagang 100 percent complete na ang Phase 1 dahil nandoon na ang malaking concrete slab,” dagdag niya.
“Totoo tayo sa ating mga salita at pangako. Pangako ‘yan ng Marikina at tinutupad natin. Sa Marikina, kapag sinabi, ginagawa,” pahayag pa ng alkalde.
Sa isang liham na ipinadala kay Secretary Herbosa noong Oktubre 9, 2025, sinabi ng lokal na pamahalaan ng Marikina na ipagpapatuloy na nila ang konstruksyon at pagtatapos ng pasilidad gamit ang sariling pondo ng lungsod (LGU funds).
Buboi Patriarca nag-uulat para sa RoadNews