Gatchalian: Bilyong pondo ng NIA, walang sapat na transparency: ‘May itinatago?’
Ni Ernie Reyes
Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang National Irrigation Administration (NIA) na agarang maglagay ng detalye sa paglalaan ng budget para sa mga proyekto nito upang matiyak na mahigpit itong umaayon sa master plan ng ahensiya.
Kasabay ito ng pagbubunyag ng senador sa bilyung-bilyong pisong pondong inilaan nang walang sapat na transparency na tila may itinatago sa bawat item.
Bilang Senate Finance chairperson, sinabi ni Gatchalian na bagama’t isa-isang nakalista o “itemized” ang mga Irrigation projects sa General Appropriations Act (GAA) ng 2022 at 2023, nilagay ang mga ito sa lump sum ng national budget noong 2024 at 2025.

“Kung mas maraming detalye, mas maganda para sa transpency,” pahayag ni Gatchalian sa isang pagdinig hinggil sa panukalang pondo ng NIA para sa 2026.
Sa budget ng 2024, isinama sa isang item ang mga national at communal na sistema ng irigasyon na nagkakahalaga ng ₱22.2 billion at ₱6.7 billion. Ginawa uli ito noong 2025, na may alokasyon na ₱8.2 bilyon at ₱3.8 bilyon.
Ibinunyag din ni Gatchalian ang isang malaking budget insertion sa ilalim ng Establishment of Pump Irrigation Projects (EPIP) ng NIA noong 2024, na tumaas sa ₱18.31 bilyon sa General Appropriations Bill (GAB) mula ₱1.72 bilyon sa National Expenditure Program (NEP). Sa huli ay lumobo pa ito sa ₱18.61 bilyon sa 2024 GAA.
Sinabi ng NIA na ang naturang pagtaas ay naglalayong tugunan ang inaasahang tagtuyot na dulot ng El Niño sa taong iyon.
Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews