Fire station at fire truck kada LGUs, hirit ni Gatchalian
Ni Ernie Reyes
Hinikayat ni Senador Win Gatchalian ang Bureau of Fire Protection (BFP) na tugunan ang isang kritikal na kakulangan sa kaligtasan kontra sunog sa pamamagitan ng pagtiyak na may fire station at fire truck ang bawat bayan sa bansa.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian, chairman ng Senate committee on finance, na hindi dapat bababa sa isang truck ng bumbero meron ang bawat isang LGUs sa buong bansa upang “kahit papaano” makatutugon sa sunog at iba pang pangkagipitan.

“Ito ay isang basic government service. Unahin natin ito, para makumpleto na tayo,” sinabi ni Gatchalian sa BFP sa isang pagdinig sa Senado tungkol sa panukalang pondo sa 2026 ng Department of Interior and Local Government at mga kaakibat nitong ahensiya.
Sa kasalukuyan, 65 local government units (LGUs) sa bansa ang wala pang sariling fire station, kung saan 47 dito ay nasa rehiyon ng BARMM.
Ayon kay BFP Chief Jesus Fernandez, ang pangunahing hamon ay marami pang LGU ang hindi pa nakakapag-tukoy at nakakapag-turn over ng lupa para sa konstruksyon, na isang requirement para matustusan ng BFP ang konstruksiyon.
Binigyang-diin ni Gatchalian ang agarang pangangailangan ng fire station at fire truck sa bawat munisipalidad, at sinabi niyang malaki ang maitutulong ng fire trucks sa paglilinis matapos ang pagbaha.
Hinimok din niya ang BFP na maging mas agresibo sa pakikipag-ugnayan para sa donasyon ng lupa mula sa mga LGU na wala pang fire station.
Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews