Flood Control scandal probe, di tatantanan ni Bam: ‘Dapat may managot’

0

Ni Ernie Reyes

Tiniyak ni Senador Bam Aquino na hindi nito tatantanan ang imbestigasyon sa flood control scandal kahit sumabit pa ang ilang matatas na opisyal ng Kongreso upang maparusahan ang sinumang responsible.

Sa pahayag, sinabi ni Aquino na kailangan tuloy-tuloy ang imbestigasyon sa flood control scandal upang maibalik ang ninakaw na pondo ng bayan at magamit sa mahahalagang sektor tulad ng edukasyon.

Ayon kay Aquino, nilapitan siya ng isang airport shuttle bus driver sa kanyang biyahe kamakailan sa Naga City, na humiling sa kanyang ituloy ang imbestigasyon sa mga anomalous flood control projects na may kinalaman sa bilyun-bilyong piso ng pondo ng bayan.

“The next day, doon sa public schools, iyong teachers said the same thing. ‘Senator, iyong investigations huwag niyo pong pakawalan. Ikulong niyo iyan. Alam mong galit ang tao,’” aniya.

Sinabi ni Aquino na nasa kamay na ngayon ng gobyerno ang bola, at dapat itong kumilos batay sa mga ebidensiyang iniharap at panagutin ang mga nasa likod ng mga anomalya.

“It’s time for action, and the onus is on the government to act on the evidence, to act on the cases. Iyon ang hinahanap ng tao ngayon,” wika niya.

“The best Christmas gift for people is may mga cases na mapa-file at may makukulong,” dagdag pa niya.

Bukod sa pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot, sinabi rin ni Aquino na dapat tiyakin ng gobyerno ang pagbawi ng mga pondong nawaldas at ang pagpapatupad ng mga sistematikong reporma na tuluyang mag-aalis ng katiwalian sa sistema ng budget.

“We need to see people jailed. Kailangang mabalik ang pera. But we need to see some systems put in. So this is a system, live streaming the bicam and putting the documents online. That’s a systemic change,” paliwanag ni Aquino.

Noong Hulyo, naghain si Aquino ng resolusyong nananawagan sa Senado na imbestigahan ang mga flood control projects ng gobyerno.

Isinusulong din ng senador ang pagpasa ng kanyang Senate Bill No. 1330, o ang Philippine National Budget Blockchain Act, na kanyang inilalarawan bilang isang makapangyarihang kasangkapan laban sa korapsyon sa pamamahala at paggamit ng pambansang budget.

Layunin ng panukalang batas ni Aquino na ilagay sa blockchain ang pambansang budget upang mapalakas ang transparency at accountability, at bigyang-daan ang mga mamamayan na makita kung saan napupunta at paano ginagamit ang kanilang mga pinaghirapang buwis.

“The Blockchain Bill—hopefully we get it passed in the next few months. Kapag naipasa iyon, mapo-force ang government agencies to put out their documents. We’ve just finished the new draft of the Blockchain the Budget Bill. We have Section Four which details all of the documents you have to post online. Not just the budget, but even the contracts, even the contractors, even the bill of materials. Kahit iyong presyo ng semento alam ng tao,” ani Aquino.

“Kung hindi mo pinost after seven days, there’s an administrative penalty. Kung hindi siya i-post after 15 or 30 days, it becomes criminal. At kung hindi mo siya pinost at iyong di mo pinost is proven to be fraudulent or becomes part of a separate case, the person who should have posted it in the agency will be tried as a co-conspirator. Mabigat iyong penalties dito for not posting,” dagdag pa niya. 

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *