Kulturang Pilipino, muling tumindig sa Impression of an archipelago sa Frankfurt – Legarda

0

Ni Ernie Reyes

Noong Oktubre 16 sa Frankfurt, Germany, binigyang-diin ni Senadora Loren Legarda ang matatag na diwa ng pagkakakilanlang Pilipino at ang kahalagahan ng pagtutulungan.

Ibinahagi niya ito sa paglulunsad ng Impressions of an Archipelago: Spanish Travellers and Writings on the Philippines, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Pilipinas bilang Guest of Honour sa ika-77 Frankfurt Book Fair.

Sinimulan ni Legarda sa pagbabalik-tanaw sa Pilipinas bago ang panahon ng kolonisasyon, isang bansang kilala na sa kalakalan, pamamahala, at mayaman na mga wika.

“Long before the first chroniclers set ink to paper, the Philippines was already a nation of thought and discernment,” ani Legarda.

Ang aklat, na inilathala sa wikang Espanyol at Aleman, at kasalukuyang isinasalin sa Ingles, ay binubuo ng dalawampung sanaysay mula sa mga iskolar sa Germany, Switzerland, Great Britain, Spain, at Pilipinas. Tinutuklas nito kung paano inilarawan at pinagmamasdan ng mga manlalakbay na Espanyol mula ika-16 na siglo hanggang sa kasalukuyan ang kapuluan.

Kabilang dito ang tatlong antolohiya: Die Philippinen in frühen spanischen Berichten und Schriften 1521–1794; Galería de viajeros y de una viajera a las Islas Filipinas (bersyong Espanyol); at Galerie der spanischen Reisenden auf die Philippinen (bersyong Aleman).

Ayon kay Legarda, ang unang tomo ay nagtatampok ng mga ulat mula 1521 hanggang 1794, mga kronika ng hari, tala ng mga misyonerong Heswita, at ang tanyag na Boxer Codex.

Ang ikalawa, sunod niyak, sa wikang Espanyol, ay nagtitipon ng mga akdang paglalakbay mula ika-19 hanggang ika-21 siglo mula sa mga opisyal ng kolonyal na pamahalaan hanggang sa mga makata at mamamahayag, marami sa kanila ay unang nailathala dito.

Ang ikatlo, sa wikang Aleman, ay isang multilingguwal na galeriya ng mga manlalakbay, Espanyol, Kubano, at Pilipino, na ang mga obserbasyon ay sumasaklaw mula sa huling yugto ng pamahalaang Espanyol hanggang sa panahon ng malayang Republika ng Pilipinas,” dagdag ng senadora.

“Sama-sama, ang mga koleksiyong ito ay bumubuo ng isang malawak na talaan ng kung paano nakita at naalala ang Pilipinas sa iba’t ibang panahon,” ayon kay Legarda.

Ang proyekto ay sinuportahan ni Legarda, na kasalukuyang namumuno sa Senate Committee on Culture and the Arts, sa pamamagitan ng Philippine Studies Program na kanyang inilunsad noong 2017 at sinuportahan sa Ruhr University Bochum noong 2019.

Muling binubuksan ng programang ito ang mga siglong ugnayang kultural sa pamamagitan ng mga muling natuklasang tala ng paglalakbay at makukulay na pampanitikang pagninilay.

“For generations, others have written about us; today, we write with them, beside them, and in our own voice,” saad ng senadora.

Kasalukuyang nasa 33 institusyong akademiko sa buong mundo ang programang ito, na nagtataguyod ng pananaliksik hinggil sa kasaysayan, wika, ekolohiya, at alaala ng Pilipinas.

“Each partnership reminds us that knowledge, pursued together, is the finest form of diplomacy,” dagdag niya.

Bilang pagtatapos, pinagtibay ng four-term senator ang katatagan at katapatan ng kuwentong Pilipino.

“As we share this work with the world here at the Frankfurter Buchmesse, we stand proud of the Filipino story as an enduring part of humanity’s larger journey,” wika ni Legarda. 

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *