SIGAW NG BAYAN: CHINA ANG BULLY SA WEST PHILIPPINE SEA, HINDI ANG PILIPINAS!

0

LUNGSOD NG QUEZON | Ipinamalas ng iba’t ibang makabayang grupo ang kanilang mariing suporta sa pagtatanggol ng bansa sa West Philippine Sea sa paglulunsad ng “West Philippine Sea Wall of Paintings” ngayong Sabado, Oktubre 19, 2025, sa La Loma, Quezon City.

Ang proyekto, na may temang “Kulayan ang Karapatan: Kabataan para sa West Philippine Sea!”, ay pinangunahan ng National Youth Commission (NYC) sa pamumuno ni Chairperson Joseph Francisco “Jeff” Ortega, katuwang ang Blessed Movement na pinangungunahan ni Herbert Antonio Martinez.

Dumalo rin sa aktibidad ang mga lider ng Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement, Alyansa Bantay Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER ng Demokrasya) sa ilalim ng pamumuno ni Dr. Jose Antonio Goitia, Chairman Emeritus ng mga naturang samahan.

Ayon kay Giselle L. Albano, tagapagsalita ng FDNY Movement, layunin ng proyekto na pukawin ang kamalayan ng mga Pilipino, lalo na ng kabataan, hinggil sa kahalagahan ng pagtatanggol sa karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.

Giit ng grupo, dapat ipagpatuloy ng pamahalaan at mamamayang Pilipino ang paglalantad ng mga agresibong aksyon at maling impormasyon ng China kaugnay ng pag-aangkin nito sa West Philippine Sea, sa pamamagitan ng iligal na nine-dash line na binasura na ng Arbitral Tribunal sa The Hague noong Hulyo 12, 2016.

Batay sa pinakahuling survey ng Pulse Asia, 94 porsiyento ng mga Pilipino ang sumusuporta sa transparency policy ng administrasyong Marcos at naniniwalang dapat ipagpatuloy ng Pilipinas ang pagsisiwalat sa mga mapang-abusong hakbang ng China laban sa mga sasakyang pandagat at mangingisdang Pilipino.

Sa huli, muling ipinahayag ng mga grupo ang kanilang panawagan: FILIPINOS DO NOT YIELD! SA MANANAKOP, ‘DI TAYO PASISIIL!

Buboi Patriarca nag-uulat para sa RoadNews

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *