Revival, di rebolusyon, sagot vs corruption sa DPWH –  Cayetano

0

Ni Ernie Reyes

Hinimok ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang Department of Public Works and Highways (DPWH) nitong Lunes na manguna hindi lang sa pagpapatayo ng mga imprastraktura kundi pati sa pagpapanumbalik ng integridad at pananagutan sa loob ng ahensya.

“I don’t want a revolution; I want a revival. Many revolutions did not bring the reforms that were promised. Do you agree with me na dapat yung low-lying fruit, y’ung obvious na obvious, iyon y’ung [dapat] unahin?” tanong ni Cayetano kay DPWH Secretary Vivencio “Vince” Dizon sa budget hearing ng ahensya nitong October 20.

Tinukoy ni Cayetano ang mga ghost projects bilang pinakamalinaw at lantad na anyo ng katiwalian na dapat unahing imbestigahan at linisin ng DPWH.

“Ang definition ng ‘ghost [projects],’ nag-allocate ng pera [at] binayaran, pero wala talagang project. It’s easier to focus on that kasi walang mapapaliwanag y’ung guilty,” sabi niya.

Ayon kay Cayetano, ang tungkulin ng DPWH sa nation-building ay dapat “two-fold” o may dalawang bahagi: ang pagtatayo ng mga imprastraktura at ang paglilinis ng korapsyon sa loob ng ahensya.

Dagdag pa niya, dapat lampasan ng reporma ng DPWH ang simpleng pagpigil lamang sa katiwalian.

“The biblical principle is prevent evil, do good, pero if you’re going to be spiritual, may isa pa: align with what God wants. If you apply it to civil government, it’s not enough that we prevent corruption and do good. We have to align the priorities sa kung ano ang priority ng administration,” sabi ni Cayetano.

Sumang-ayon naman si Dizon at sinabing mahigit 400 umano’y ghost projects na ang natukoy ng validation team ng DPWH. Tiniyak din niyang papanagutin ang mga sangkot dito.

Hinimok ni Cayetano ang DPWH na agad kumilos sa mga kasong ito at gamitin ang mga dokumentong hawak na ng ahensya bilang ebidensya.

“Anything that’s also obvious, we would appreciate action on it. Whether you refer it to the ICI [Independent Commission for Infrastructure] or the Ombudsman. Ang point ko lang naman, nasa inyo ang papeles,” wika ni Cayetano.

Iminungkahi rin niya na kuhanan ng litrato ng mga district engineer (DE) at lokal na opisyal ang mga proyekto para masigurong totoong ginagawa ang mga ito.

Ayon kay Cayetano, makatutulong ito para matiyak ang transparency at maiwasan ang paglusot ng mga ghost project.

“Is it possible that you ask your DEs or the lowest level whatever, kunan lang ng picture… para at least may reference ka,” sabi ni Cayetano kay Dizon.

Binigyang diin ni Cayetano na hindi ito dapat ituring na pampulitikang hakbang kundi isang moral at institusyonal na “revival” para muling maibalik ang tiwala ng publiko.

“Reform doesn’t come from tearing things down but from rebuilding them right,” aniya. “That’s the kind of revival our country needs.”

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *