Pagsusulong ng “Open Governance” sa Cordillera, Hinikayat ng DILG-CAR ang mga LGU

BAGUIO CITY | Hinimok ng Department of the Interior and Local Government–Cordillera Administrative Region (DILG-CAR) ang mga lokal na pamahalaan sa rehiyon na gawing institusyon ang “open governance” sa pamamagitan ng mas malakas na mga hakbang para sa pagiging accountable at transparent.

 Ayon kay DILG-CAR Regional Director Atty. Anthony C. Nuyda, mahalaga ang pagpapatupad ng mga programa at patakarang nakasentro sa mamamayan at inclusive. Kabilang dito ang pagsasama ng mga anti-corruption measure sa kanilang operasyon, pagpapalago ng digitalization ng serbisyo, at pagpapalaganap ng fiscal openness sa pamamagitan ng accessible na budgeting at financial reporting.

 Alinsunod ito sa Executive Order No. 31 s. 2023 na inilabas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., kung saan itinatag ang Philippine Open Government Partnership (PH-OGP) bilang pambansang mekanismo para palakasin ang transparency, accountability, citizen participation, at teknolohiya sa pamamahala.

 Bilang pagtugon sa direktiba ng Pangulo, naglabas si DILG Secretary Juanito Victor C. Remulla ng Memorandum Circular No. 2025-065 na nag-aatas sa lahat ng LGU sa bansa na maging “tagapagtaguyod ng open government.” Layunin nito na tiyaking nakapaloob sa mga lokal na programa at patakaran ang mga prinsipyo ng open governance.

 Sa isang pahayag noong OGP Asia-Pacific Regional Meeting, hinikayat ni Secretary Remulla ang mga LGU na “aktibong makipag-ugnayan sa civil society, akademya, at pribadong sektor upang makabuo ng mas matatag at transparent na institusyon.”

 Dagdag pa ni RD Nuyda, kailangang patatagin ng mga LGU ang mga plataporma para sa open government na nakasaad sa Local Government Code. Kabilang dito ang accreditation ng mga civil society organizations (CSOs) at pagpili ng kinatawan sa Local Special Bodies (LSBs), kung saan dapat na isang-kapat ng mga miyembro nito ay mula sa non-government organizations.

 “Ang muling pagbuo ng ating Local Special Bodies ngayong Agosto ay isang oportunidad para mapalakas ang tunay at makabuluhang pakikipagtulungan sa mga civic groups. Dapat tiyakin ng ating mga LGU na ang mga mamamayan, lalo na ang nasa marginalized sectors, ay may sapat na representasyon sa pagpaplano at paggawa ng desisyon,” ani Nuyda.

 Bahagi ito ng pangako ng DILG bilang miyembro ng PH-OGP Steering Committee. Ilan sa mga programa ng ahensya para sa citizen participation sa lokal na pamamahala ang Dagyaw Open Government Town Hall Meetings at Capacity Development Program para sa mga kinatawan ng CSO sa Local Development Councils, Local Health Boards, at Local School Boards.

 “Asahan natin na ang ating mga LGU ay magiging huwaran ng accountability, transparency, at citizen participation. Kaya’t nararapat lamang na may sapat na mekanismo upang matiyak na ito’y maisasakatuparan sa lahat ng proseso ng lokal na pamamahala,” giit ni RD Nuyda.  (Faustino Dar)