Kaguluhan sa ISRAEL at QATAR; Mga OFW pinag-iingat!

MANILA — Kahapon ay target na inatake ng mga bomba mula sa Israel ang isang lugar sa Doha, Qatar kung saan nagpupulong ang ilang matataas na pinuno ng grupong Hamas. Kaugnay ng pangyayari, ang Department of Foreign Affairs (DFA) ay nagpalabas ng abiso at pinayuhan ang lahat ng Overseas Filipino Workers (OFW) sa bansa na manatiling mahinahon.

Sa isang pahayag, nagbabala ang Embahada ng Pilipinas sa Qatar sa lahat ng Pilipino na pag-igtingin ang pag-iingat. Inirerekomenda ng embahada na sundin ang mga patakaran at payo ng mga lokal na awtoridad. Hinikayat din ang mga kababayan na manatili sa loob ng mga tahanan at iwasang magtungo sa mga pampublikong lugar maliban kung may talagang mahalagang gawain.

Bukod dito, pinapaalalahanan ang mga Pilipino na maging mapagmatyag at umiwas sa mga lugar na maaaring magdulot ng panganib. Mahigpit ding pinapayuhan na maging updated sa mga balita mula sa mga mapagkakatiwalaang source.

Ayon sa embahada ng Pilipinas ay wala namang direktang napinsala na mga Pilipino sa pagsabog at patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng Qatar upang masiguro ang kaligtasan ng mga Pilipino sa bansa.

Nag-uulat, STF Mimie Magante para sa SARGE ROADNEWS