KRISIS NG KANSER AT KAHIRAPAN NG LIPUNAN
AGILA NG BAYAN: Boses Ng Maralitang Pilipino ni John Jowel Herrera
Tila may sakit na kanser ang ating bansa, na lalong lumalala dahil sa mabilis na paglobo ng populasyon. Ayon sa Philippines Statistics Authority (PSA), may karagdagang humigit-kumulang 14.76 milyong tao mula sa naitalang populasyon noong 2020 na 109.20 milyon. Ipinapakita ng projection ang average na taunang paglago ng populasyon na 0.85% mula 2020 hanggang 2035, at halos nasa 117 milyon na sa kasalukuyang taon ng 2025. Ang patuloy na pagdami ng mamamayan ay isang malubhang hamon na nagpapalala sa mga sakit ng lipunan.
Isang direktang epekto ng paglobo ng populasyon ang tuluy-tuloy at mabilis na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Ang halaga ng kuryente, tubig, bigas, karne, at gasolina na pawang araw-araw na pangangailangan, ay patuloy na umaangat, na nagpapabigat sa pasan ng bawat pamilya. Sa ating pananaw, ang pagtaas ng mga presyong ito ay hindi indikasyon ng pag-angat ng ekonomiya; sa halip, ito ay isang malinaw na palatandaan ng paghihirap na nararanasan ng mga karaniwang mamamayan, lalo na ng maralitang Pilipino.
Nararapat lamang na tutukan at aksyunan ng pamahalaan at ng mga kinauukulang ahensya ang krisis na ito. Kailangan ng kongkretong hakbang upang masupil at makontrol ang pagtaas ng mga bilihin sa pamilihan. Bukod dito, kinakailangan ang masusing pag-aaral at epektibong plano upang ma-regulate ang paglago ng populasyon sa pamamagitan ng maayos na sistema at batas na ipatutupad sa bawat lokal na pamahalaan. Ito ang magiging simula ng paggamot sa sakit na lumalason sa ating bansa.
Upang matugunan ang ugat ng problema, kailangang ipakita ng pamahalaan ang tapat at sinserong paglaban sa kurapsyon. Dapat managot ang dapat managot, at isulong ang mabigat na parusa sa mga mapapatunayang tiwaling opisyal. Hindi ito dapat maging huwaran ng sinuman, lalo na ng mga pinuno ng ahensya at mga mambabatas na pinagkatiwalaan ng taong-bayan. Napakayaman ng Pilipinas, ngunit ang yaman nito ay nauubos at ninanakaw ng paulit-ulit na mga dynasty at ilang naghaharing-uri. Kailangang wakasan ang kahirapan at tuldukan ang katiwalian upang mabigyan ng tunay na atensyon ang kalagayan ng maralita.
Nararapat lamang na tuparin ng pamahalaan ang kanyang tungkulin sa taong-bayan na siyang nagluklok sa kanila sa kapangyarihan. Sa pamamagitan ng pagtatatag ng malinaw at makatarungang sistema na tutugon sa pangangailangan ng mga mahihirap, maibabalik ang hustisya, tiwala, at simpatiya ng mamamayan. Sa pagkakataong ito lamang magkakaroon ng tunay na pag-unlad.
Dagdag pa rito, mahalagang suportahan ng pamahalaan ang mga proyektong Pilipino at Gawang Pinoy na siyang magpapalakas sa ating ekonomiya. Hindi natin kailangan ng labis na pag-asa sa banyaga; ang tunay na solusyon ay nasa tapat na pagkakaisa ng pamahalaan, ng negosyanteng Pilipino, at ng buong sambayanan. Sama-sama, tulong-tulong, ng may pagmamahal sa bayan, wala ng dapat maghirap sa sariling bansa. Ito ang landas tungo sa paggamot sa kanser ng lipunan at pag-angat ng bansang Pilipinas.
