Isang Karahasan na Hindi Puwedeng Manahimik!
Mga kababayan, tigilan na natin ang pagpapanggap na maayos ang lahat. Ang nangyari noong Lunes sa Senado ay hindi simpleng pulitikal stand.
Ang pagtatangkang arestuhin si Senador Bato ng mga ahente ng NBI sa mismong bakuran ng Mataas na Kapulungan ay hindi basta operasyon laban sa krimen. At ang impeachment ni Vice President Sara Duterte sa Kamara na sabay-sabay sa lahat ng ito ay hindi lamang nagkataon.
Ang mga ito ay karahasang institusyonal, karahasang pampulitika, at karahasang ginagawa sa ngalan ng batas pero walang malasakit sa taumbayan. Hindi na ako mananahimik. Tingnan natin kung ano ang tunay na nangyari.
Sa isang araw, sabay na gumalaw ang tatlong sangay ng gobyerno. Hindi para paglingkuran tayo, hindi para protektahan ang ating demokrasya, kundi para sirain ang isa’t isa. Ang Senado, pinagagawan ang upuan ng SP na para bang trono ng isang hari.
Ang NBI, ginawang enforcement arm ng ICC na hindi na tayo connected. Ang Kamara, tinapos ang impeachment ni VP Sara na para bang hinahabol ng orasan ng isang sabwatan. Saan kayo diyan, mga kababayan?
Nasaan ang inyong boses sa lahat ng sigawang ito ng mga nasa kapangyarihan? Hindi namin kinakampihan si Senator Dela Rosa dahil sa kung sino siya. Hindi namin ipinagtatanggol si VP Sara dahil sa apelyido niyang Duterte. At hindi rin namin kinokondena si Senate President Cayetano dahil lamang sa siya ang nakinabang sa botong ito.
Ang ipinaglalaban namin ay ang prinsipyong kahit sino pa ang nasa puwesto, hindi puwedeng ganito ang maging takbo ng gobyerno. Ang pag-aresto sa isang senador habang nasa senado ay hindi biro. Iyan ay paglabag sa Saligang Batas.
Hindi puwede ang dahilan ng pag aresto ay dahil sa ICC warrant na galing sa The Hague, isang tribunal na hindi na tayo miyembro, at bigla na lang hahabulin ang isang halal na opisyal na parang kriminal sa lansangan. Kung may kaso, dumaan sa tamang proseso.
Kung may ebidensya, iharap sa korte ng Pilipinas, hindi sa mainitan at magulong pagkakataon na sabay sa impeachment at kudeta sa Senado. Kayo sa NBI at DOJ, magpaalala kami: ang inyong tungkulin ay ipatupad ang batas ng Pilipinas, hindi ang magsilbing tagapagpatupad ng utos ng sinumang nasa poder sa araw na iyon.
Ang ginawa ninyo ay hindi paglilingkod sa bayan. Ang ginawa ninyo ay pagiging kasangkapan ng isang maruming laro. Hindi namin sinasabi na walang pananagutan si Senator Dela Rosa o si VP Sara sa anumang paratang laban sa kanila.
Ang sinasabi natin: kung may pananagutan, managot sila sa tamang paraan. Hindi sa pamamagitan ng sabwatan ng mga sangay ng gobyerno sa iisang araw. Hindi sa pamamagitan ng paggamit ng puwersa ng estado upang hulihin, arestuhin, o patalsikin ang sinumang humaharang sa interes ng isang grupo. Ang ipinaglalaban natin ay ang karapatan ng bawat Pilipino sa isang gobyernong sumusunod sa sarili nitong batas.
Kapag ang Senado, ang Kamara, at ang NBI (DOJ) ay sabay-sabay na naglalaban-laban para sa kanilang sariling kapangyarihan, kami ang nagiging biktima. Ang mga problema ng simpleng Juan, gutom, kawalan ng trabaho, mahal na bilihin, walang kuryente, sirang kalsada, ay nananatiling hindi nabibigyang pansin.
Habang sila ay nagpapatalsikan sa Senado, ang mamamayang Pilipino ay naghihirap sa labas. Kaya kami ay lumalaban. Hindi para kay Bato. Hindi para kay Sara. Hindi para kay Cayetano. Hindi para kay Sotto. Lumalaban tayo para sa kinabukasan ng bawat Pilipino. Lumalaban kami para sa sistemang hindi dapat ginagamit ang karahasan at pananakot upang manalo sa pulitika.
Lumalaban kami para sa gobyernong ang pinoprotektahan ay ang taumbayan, hindi ang trono ng Senado o ang puwesto ng bise presidente o ng Presidente. Gusto nating maging malinaw: hindi ito laban ng pula versus dilaw versus berde vs pink. Ito ay laban ng mga Pilipinong pagod na sa panloloko. Laban ng mga mamamayang gustong maniwala na may pag-asa pa ang bayang ito.
Kaya sa susunod na may magsabing “pulitika lang ‘yan,” sumagot kayo. Hindi na ito pulitika lang. Ito na ang kinabukasan ng ating demokrasya. Kung hahayaan nating ma-normalize ang ganitong karahasan sa mga institusyon, tayo ang tunay na biktima.
Hindi sa bala ng NBI o ng OSSA, kundi sa kawalan ng katarungang idudulot ng lahat ng ito. Manindigan tayo. Ngayon na. Hindi bukas. Hindi sa susunod na eleksyon. Ngayon. Palaban to! Walang uurong.
