Kaguluhan sa Senado, Mamamayan ang tunay na talo!
PULSO NG MASA ni Edizon Cansino
“Tingin mo ba, totoo ‘yung kasabihang ‘sa kaguluhan ng Senado, mamamayan ang talo’? Para sa akin, oo, totoo ‘yun at masakit pa nga, bayan ni Juan talaga ang talo.
Isipin natin ito, habang nag-aaway-away o nagbabangayan ang mga senador, lalo na ‘yung mga nangyari nung Lunes at mga bardagulan sa plenaryo, sino ‘yung nasasabit? Hindi naman sila, e. Sila susuweldo pa rin naman nang buo. ‘Yung mga proyekto at batas na dapat sana makakatulong sa masa, ‘yun ang nadedelay o kaya’y tuluyan nang natetengga.
Halimbawa, budget ng mga paaralan, tulong sa magsasaka, pondo para sa libreng gamot, lahat ‘yan dumadaan sa Senado. Kapag naunsyami ang deliberasyon dahil sa pulitikahan, ‘yung ordinaryong tao na naghihintay ng ayuda o serbisyo ang talagang nadadamay. Sila rin ‘yung magtitiis habang nag-aagawan ng posisyon o atensyon ang mga nasa itaas.
Ang malungkot pa, nawawalan na rin ng tiwala ang taumbayan. Marami sa atin ‘ang napapaisip, ‘Ganito na ba talaga? Sila-sila na lang ba lagi ang mahalaga?’ At kapag nawala ang tiwala, mahirap na maibalik ‘yun.
Kaya para sa’kin, totoo, kahit sino pang senador ang manalo sa bangayan na ‘yan, tayong nasa baba pa rin ang tunay na talo. Dahil tayo ‘yung naghihintay ng solusyon, samantalang sila’y abala sa gulo.”
