DPWH execs na nagdawit kay Jinggoy sa flood control anomalies, kalaboso sa Pasay City Jail
Ni Ernie Reyes
Kalaboso sa Pasay City Jail si dating Public Works and Highways Bulacan 1st District Assistant Engineer Brice Hernandez na pawang nandawit kay Senador Jinggoy Estrada sa malawakang anomalya sa flood control projects.
Nitong Miyerkoles, nagkasundo ang mayorya at minorya ng Senado na ikulong sa Pasay City Jail si Hernandez pero nasa hurisdiksiyon ito ng Mataas na Kapulungan taliwas sa naunang desisyon na dalhin ang suspek sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame.

Sa pahayag, sinabi ni Senador Alan Peter Cayetano na bilang minority leader, tumugon ito sa privilege speech ni Senator Jinggoy Estrada hinggil sa mga alegasyon ni Hernandez sa House of Representatives na nagdawit siya (Estrada) sa maanomalyang flood control projects sa Bulacan.
“May I know Mr. President, will that be the new rule? Because under the present rule, kung sino ang may jurisdiction, siya y’ung magde-decide,” wika ng Minority Leader kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III nitong September 10, 2025 sa plenaryo.
“For example, kung siya ay incarcerated under RTC (Regional Trial Court), so magpapalaam tayo sa RTC kung pwede natin hiramin. Nagpaalam sila sa atin kung pwede nilang hiramin ang witness,” dagdag niya.
Ikinulong si Hernandez sa Senado matapos siyang i-cite in contempt nitong Lunes, September 8, 2025.
Nang sumunod na araw, dumalo si Hernandez sa House of Representatives matapos hilingin ang kanyang pagdalo bilang witness sa imbestigasyon tungkol sa flood control projects.
Si Hernandez mismo ang humiling na huwag siyang ibalik sa Senado dahil sa takot para sa kanyang buhay.
Pagkatapos ng pagdinig sa Kamara, dinala na si Hernandez sa PNP Custodial Center kasunod ng desisyon ni Sotto hinggil sa kahilingan ni House Speaker Martin Romualdez.
“Insulto po sa ating sabihin na may mangyayari sa kanya dito,” wika ni Cayetano. “Unang una po, bente kwatro po tayo na lahat ay independent. Sinabi na rin po ng Senate President na iginagalang natin ang independence ng Senate.”
Wika pa ng senador, hindi kailanman nagkaroon ng isyu ang Senado tungkol sa kaligtasan ng mga testigo o ng mga taong cited in contempt. Binanggit pa niya ang naging paghawak ng NBN-ZTE deal noong 2007 bilang precedent.
“Masyadong mabigat ang accusation ni Hernandez na takot siya dito or whatever. Ang dami na nating naging witness dito. In-accuse pa ang kapwa senador, pero never naman po nagkaroon ng problema dito (sa Senado),” aniya.
Giit ng Minority Leader, dapat pag-usapan bilang grupo ang anumang kinakailangang pagbabago sa Senate Rules.
“My point is this — what if the reverse happens now. What if we borrow a witness from the House? Is that the new rule now? Na ang PNP Custodial Center na or makikiusap tayo pabalik sa House? Because I don’t think we should change rules without doing it in caucus as a group,” sabi ng senador.
“But I see the wisdom, Mr. President, of your immediate action. I’m not questioning it. I’m just asking, moving forward, shouldn’t we keep the old rule na kung sino ang may custody, iyon ang magkeep ng custody niya,” dagdag pa niya.
