PAGKAMALIKHAIN, NAGTUTULAK NG PAGBABAGO, KAUNLARAN SA BANSA – Legarda

Ni Ernie Reyes

Nakikiisa si Senador Loren Legarda sa paggunita ng bansa sa Philippine Creative Industries Month ngayong Setyembre alinsunod sa Republic Act No. 11904, o ang Philippine Creative Industries Development Act, na iniakda nito.

Kumikilala ang batas sa   malaking papel ng creative sector sa ekonomiya, kultura, at pagkakakilanlan ng bansa.

“Mula kultura hanggang kalakalan, ang pagkamalikhain ay nagtutulak ng pagbabago,” sabi ni Legarda.

Ayon pa kay Legarda, na siyang pinuno ng Senate Committee on Culture and the Arts, mula sa datos ng Department of Trade and Industry (DTI), naghatid ang creative industries ng 7.51 milyong trabaho at may kabuuang halaga na P1.94 trilyon noong 2024.

“Tayo ay masaya dahil lumago pa ang kontribusyon ng creative industries sa bansa ayon sa datos ng DTI mula sa P1.72 trilyon at 7.26 milyong trabaho. Ito ay 7.3% ng gross domestic product ng bansa. Ibig sabihin nito ay malawak ang ambag ng talentong Pilipino sa bansa.”

Naging matagumpay ang National Arts and Craft Fair (NACF) noong nakaraang taon, na nilahukan ng 250 na exhibitor, at nagtipon ng mga artisan ng bansa upang ipagmalaki ang likhang Pilipino.

“Masaya ako bilang matagal nang nagsusulong ng cultural preservation dahil napalakas pa ang ating relasyon sa mga artisano, at mga micro, small, and medium enterprise, pati na ang DTI at National Commission for Culture and the Arts (NCCA),” paliwanag ni Legarda.

Kabilang sa mga lumahok ay ang grupo ni Merlina Lumakin ng Sto. Niño de Plaridel Multi-Purpose Cooperative sa Baybay, Leyte, na lumago na ang mga miyembro mula 23 sa 400.

Nakatuon silang panatilihin ang tradisyon, at layong ipasa sa mga susunod na henerasyon ang paggawa ng mga produktong gawa sa pandan tulad ng bag, kahon, tsinelas, at iba pa.

“Malaking impact [ang NACF] kasi halimbawa sa mga ganito, m-ameet natin ‘yung mga buyers. So, lalong tumaas ‘yung demand. Yung mga weavers naman, nakabigay tayo ng livelihood o income, job,” paliwanag ni Lumakin.

Ganito rin ang naranasan ni Angelita “Angie” Ilul ng Yakan Village, Zamboanga City, na may-ari ng Angie’s Yakan Handloom Weaving, na nagmula sa paghahabi ng placemat, naging misyon na iangat ang tribong Yakan.

“Malaking tulong po ‘yung livelihood po na binibigay po ni Sen. Loren Legarda, lalong-lalo po sa mga Yakan weavers para makabenta.”

Ito ay resulta ng pananaw ni Legarda sa kinabukasan ng creative industries, na isang malakas na puwersa sa ekonomiya.

“Makabubuo tayo ng mas magandang kinabukasan sa pagpundar sa pagiging malikhain natin,” wika ni Legarda.

Gaganapin ang NACF 2025 sa Oktubre 23-29 sa SM Megamall Megatrade Hall sa Mandaluyong City.  Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews