LACSON DUDA KAY BONOAN SA PAGIGING INOSENTE SA FLOOD CONTROL ANOMALIES

Ni Ernie Reyes

Malaki ang pagdududa ni  Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson sa tila pagiging inosente ng dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan sa malawakang korapsyon sa mga palpak at guni-guning flood control projects sa kanyang panunungkulan sa ahensiya.

Ayon kay Lacson nitong Miyerkules, dapat may kaalaman si Bonoan sa mga katiwaliang ito dahil matagal na siyang nanilbihan sa DPWH at umangat mula sa mababang posisyon hanggang sa itaas.

“Let’s put it this way. Nag-retire siya in 2010. Ibig sabihin, before that he stayed for so many years rising from the ranks. Alam niya nangyari sa baba. He became Secretary in 2022. To say na hindi niya namo-monitor, dalawa lang ang implications. It’s either kasabwat ka o incompetent ka,” ani Lacson sa panayam ng mga mamamahayag.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa flood control projects nitong Martes, nagpahayag si Bonoan ng pagkagulat sa mga katiwalian sa DPWH, partikular sa Bulacan First District Engineering Office.

Binanggit ni Lacson ang kanyang karanasan bilang hepe ng Philippine National Police kung saan siya rin ay umangat mula sa mababang posisyon at nagsagawa ng mga reporma sa PNP laban sa mga tiwaling pulis.


“Maski papano, may experience ka sa field, maski papano alam mo ang nangyayari. So kung ikaw nag-head ng agency, at the very least alam mo i-monitor ang shenanigans,” dagdag niya.

Sa kaso ng DPWH, sinabi ni Lacson na ang lantad na korapsyon tulad ng dayaan, ghost projects, at paggawa ng pekeng documentary requirements ay matagal nang nangyayari. “Ngayon lang nabuko ‘yan pero matagal nang nangyayari,” aniya. 

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews