Landbank sa P457M withdrawal ng DPWH contractor: ‘Umayos kayo para sa Filipino’ – Kiko

Ni Ernie Reyes

Matinding binatikos ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang Land Bank of the Philippines (LBP) sa kawalan ng aksiyon laban sa inilabas na P457 milyon ng isang government contractor sa loob ng dalawang araw.

Sa kasagsagan ng flood control scam probe, sinabi ni Pangilinan na nakapag-withdraw ng mahigit P457 milyon ang private contractor ng Department of Public Works and Highways (DPWH) mula sa pondo ng flood control project nang hindi man lamang nabahala ang bangko.

“These are all very legalese and if we’re going to use legalese language in order to gloss over the fact that no matter how you look at it two days, cash transactions, 457 million pesos—how can that, in any way, be unsuspicious or regular?” tanong ni Pangilinan kay Senator Risa Hontiveros. 

Sinabi ni Pangilinan na lubhang nakababahala ang pahayag ng Landbank na mahusay at istriktong ipinatupad nito ang umiiral na batas at regulasyon sa pagbabangko sa Pilipinas sa inilabas ng multi-milyong pondo.

“Ang tanong: Ibig sabihin ba dahil walang mali sa paglabas ng P457 million cash sa dalawang araw ay mauulit ito? Pwedeng gawin ito dahil to quote, sumunod sila ‘faithfully and strictly’ sa lahat ng existing PH banking laws and regulations?” giit niya. 

“We beg to disagree. Dapat sana sinabi nila sa kanilang statement ‘maghahanap kami ng paraan para hindi na mangyari ulit ito’,” dagdag ng senador. 

Dahil dito, ipinaalala ni Pangilinan sa LBP na kanilang responsibilida na bantayan ang buwis ng bayana na nilulustay sa halip na magamit ang pagkain, edukasyon, kalusugan at hanapbuhay.

“Hinihiling ko lang sa Landbank at sa sino man na nag-draft ng statement nila at sa lahat sa ating lahat na pinapa-sweldo ng taong bayan na magkaroon ng mindset na para sa tao, para sa Pilipino, na ialay ang araw-araw na gawain, ang bawat pisong pumapasok at lumalabas sa government banks sa Pilipino, sa kababayan natin,” aniya.

“It is not enough to not do bad but we must not stand idly by while bad is happening, or while bad is already being exposed to everyone. Pakiusap po ito: Please, Landbank, let us do better for our people,” aniya.

Kasabay nito, binanggit din ni Pangilinan na dapat may hiwalay na patakaran sa batas ang government banks tulad ng  Landbank at Development Bank of the Philippines. 

Isusulong din niya ang pag-amyenda sa   Anti-Money Laundering Act (AMLA) matapos nitong punahin ang Landbank at Anti-Money Laundering Council sanhi ng pagkabigong suriin ang   suspicious transaction report generated para P457-million transaction. 

“Hindi ba dapat sana’y tinawagan nila (AMLC) ang Landbank at alamin ang detalye? At hindi ba sana kung hindi tumawag ang AMLC eh tumawag ang Landbank sa AMLC—‘Ano ba dapat gawin dito? 457 million cash ang winithdraw galing sa pondo ng DPWH?’,” ani Pangilinan. 

Inilabas ang   P457 million cash ng  Syms Construction owner Sally Santos, isa sa kontraktor ng DPWH na sangkot sa multi-billion infrastructure corruption issue. Ibinigay ang pera kay dating   DPWH Bulacan 1st District assistant engineer Brice Hernandez.  

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews