Kondenado at binabahang classroom sa Naga City, sinuri ni Bam sabay bisita kay Robredo
Ni Ernie Reyes
NAGA CITY | Bumisita si Senator Bam Aquino kay Mayor Leni Robredo noong Martes at ininspeksiyon ang mga binabaha at condemned na silid-aralan sa dalawang pampublikong paaralan sa lungsod, kasabay ng pangakong tutugunan ang mga problemang ito upang matiyak na may ligtas at maayos na kapaligiran sa pag-aaral ang mga estudyante.
Sa kanyang inspeksyon kasama si Robredo sa Julian B. Meliton Elementary School, natuklasan ni Aquino na 34 sa 71 silid-aralan ng paaralan ay madalas bahain, at 24 dito ay hindi na magamit dahil sa matinding pinsala. Sa kabila ng pagiging mapanganib, 10 sa mga binabahang silid-aralan ay patuloy pa ring ginagamit dahil sa matinding kakulangan sa classroom.
Ayon sa principal ng paaralan, ang pagbaha ay dulot ng mababang lokasyon ng paaralan at maliit na drainage system, na nagiging dahilan kung bakit hindi agad humuhupa ang baha kahit tumigil na ang ulan.
Madalas masuspinde ang klase sa mga apektadong lugar tuwing malakas ang ulan, habang ang mga mag-aaral sa Grade 2 at Grade 3 ay kailangang sumunod sa permanenteng shifting schedule dahil sa kakulangan ng silid-aralan.
Ganito rin ang nakitang sitwasyon ni Aquino sa kanyang pagbisita sa Mabolo Elementary School.
“Mahalagang maaksiyunan ito ngayon na tina-tackle iyong budget ng classrooms at budget ng edukasyon. Mahalagang maprotektahan natin ang mga kabataan natin sa baha, sa lindol, at sa bagyo,” ani Aquino, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

“Dapat maging climate resilient ang ating mga eskuwelahan. Dapat mapondoan nang tama, sa tamang presyo, sa tamang halaga, at sa mabilis na oras,” dagdag pa niya.
Muling tiniyak ni Aquino na makikipatulungan sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak na ligtas, matatag, at climate resilient mga pampublikong paaralan para sa lahat ng mga estudyante.
Inihain kamakailan ni Aquino ang Senate Bill No. 121 o ang Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act, na layong tugunan ang kakulangan ng 166,000 classrooms sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.
Sa ilalim ng panukalang batas, papayagang magtayo ng classroom ang mga lokal na pamahalaan at mga non-government organization (NGO) na may napatunayang kakayahan alinsunod sa pambansang pamantayan at patakaran, sa tulong ng pondo mula sa pambansang pamahalaan.
Ernie Reyes