PONDO SA ALS, PWDS, SURE SA 2026 BUDGET – Gatchalian

Ni Ernie Reyes

Tiniyak ni Senador Win Gatchalian ang patuloy na suporta ng 2026 General Appropriations Act (GAA) para sa Alternative Learning System (ALS) at sa mga learners with disabilities o mag-aaral na may kapansanan.  

Sa ilalim ng 2026 national budget, P4.917 bilyon ang inilaan para sa Flexible Learning Options. Bahagi nito ang P897 milyon para sa ALS at P400.67 para sa Alternative Delivery Mode (ADM). Inilaan din ang P3.62 bilyon para sa mga learning resources na gagamitin sa ALS at ADM. 

Samantala, P56 milyon naman mula sa Basic Education Facilities ang inilaan para sa pagpapatayo ng mga ALS Community Learning Centers (CLCs).

Sa pagpili ng mga lugar na patatayuan ng ALS CLCs, bibigyang prayoridad ang mga lugar kung saan limitado ang access sa pormal na basic education, may mataas na bilang ng mga out-of-school children in special cases at mga nakatatanda na walang basic literacy skills o kaya naman ay nahinto sa pag-aaral.
Naglaan din ng P1.04 bilyon para sa Special Needs Education Program. Bukod dyan, meron ding P209 milyong inilaan para sa pagpapatayo ng mga Inclusive Learning Resource Centers (ILRCs) sa iba’t ibang rehiyon o kaya naman para ma-convert ang mga kasalukuyang Special Education (SPED) Centers bilang ILRCs.

Nakalaan  din ang P100 milyon para sa mga textbook at iba pang mga instructional materials para sa mga learners with disabilities. 

“Sa 2026 budget, malinaw ang ating paninindigan sa inclusive education. Walang ALS learner o learner with disability ang maiiwan,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Finance.