BUDGET INSERTIONS TUTULDUKAN NG 30-YEAR INFRASTRUCTURE ROADMAP – Gatchalian
Ni Ernie Reyes
Tiniyak ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian na nakatakda nang tuldukan ang paulit-ulit ng budget insertions ng mga pulitiko sa national budget sakaling maipasa ang 30-year Infrastructure Roadmap ng pamahalaan.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na kanyang inihain ang isang panukalang batas na naglalayong lumikha ng isang 30-taong infrastructure masterplan upang matiyak ang pinakamataas na benepisyo o maximum return on investment at maiwasan ang anumang budget insertion sa proyekto ng pamahalaan.
Bukod sa pagpigil sa mga budget insertion, layon ng Senate Bill 1652, o ang panukalang Masterplan for Infrastructure and National Development (MIND) Act, na masigurong magpapatuloy ang mga mahahalagang proyekto ng pamahalaan nang walang antala kahit pa magpalit ng administrasyon.
Aniya, layunin din ng hakbang na ito na ituon ang pondo sa mga proyektong mapapakinabangan ng mas nakararaming mga Pilipino na nagbabayad ng buwis.
“Kailangang masiguro natin ang pag-unlad ng bansa nang walang political interference. Dahil mas malaking bahagi ng pambansang pondo ay napupunta sa imprastraktura, kailangang matiyak na bawat piso ay nagagastos sa mga proyektong tunay na pakikinabangan ng mga karaniwang Pilipino,” ani Gatchalian, na siyang chairperson ng Senate Committee on Finance.
Binigyang-diin niya na mula 2022 hanggang 2025, ang alokasyon para sa national infrastructure projects ay lumago ng average na 7.9% kada taon, base sa datos ng Department of Budget and Management.

“Kapag ang masterplan ay naka-angkla sa batas, hindi ito madaling palitan at maipagpapatuloy ang mga importanteng imprastraktura kahit na magpalit-palit pa ang mga nasa pwesto,” dagdag niya.
