FEEDING PROGRAM SA PAARALAN, CHILD DEV’T CENTERS, GUSTONG PALAWAKIN NI GATCHALIAN
Ni Ernie Reyes
Gustong palawakin ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian ang feeding program sa primary schools at child development centers upang matiyak na nakakain nang sapat ang batang mag-aaral na makatutulong sa kanilang edukasyon.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian, chairman ng Senate committee on finance na nakatakda sa 2026 budget ang pondo upang palawakin ang programa na gagawin pa sa mga susunod na panahon.

“Walang batang dapat mag-aral nang kumakalam ang sikmura. Mahalagang tutukan natin ang kalusugan at nutrisyon ng mga mag-aaral, lalo na’t may malalim na ugnayan ito sa kanilang kakayahan,” ani Gatchalian.
Mula 120 araw, inaasahang aabot na sa 200 araw ang feeding days sa ilalim ng School-Based Feeding Program (SBFP) ng Department of Education (DepEd) ngayong taon.
Inaasahan pq nq aabot sa 4.6 milyong mag-aaral ang makikinabang sa SBFP ngayong 2026.
Ayon sa senador, saklaw nito lahat ng mga mag-aaral sa Kindergarten at Grade 1 at patuloy na susuportahan ng programa ang lahat ng wasted, severely wasted, stunted, at severely stunted na mga mag-aaral mula Grade 2 hanggang Grade 6 na isinulong ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa deliberasyon ng badyet.
Umabot sa P25.7 bilyon ang natanggap na pondo ng SBFP ngayong taon.
Umabot naman sa P9.6 bilyon ang inilaan sa Supplementary Feeding Program (SFP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Mula 120 araw, aabot na sa 180 araw ang feeding days ng naturang programa. Inaasahang makikinabang dito ang 1.8 milyong mag-aaral.
Saklaw nito ang mga batang 3 hanggang 5 taon sa mga CDCs, pati na ang mga batang 2 hanggang 4 na taong gulang na nasa ilalim ng supervised neighborhood play (SNP) program.
