GATCHALIAN PABOR SA FISCAL CRACKDOWN SA GOCC: SUBSIDY DAPAT MAY BUDGET REVIEW

Ni Ernie Reyes

Pinaburan ni Senador Win Gatchalian ang panukalang  isama sa congressional oversight review ng pambansang budget ang mga subsidiya na ibinibigay sa mga government-owned and controlled corporations (GOCCs).

Kasunod ito sa inilunsad na fiscal crackdown ng Department of Budget and Management (DBM) laban sa mga GOCC na patuloy na umaasa sa malalaking subsidiya sa pamahalaan.

“Suportado ko ang panawagan ng DBM para sa fiscal discipline. Kailangan nating gumawa ng tamang assessment sa mga GOCC na nananatiling naka-life support sa gobyerno taon-taon,” pahayag ni Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Finance.

Sa ilalim ng DBM Corporate Budget Memorandum 48, ang mga GOCC na nanatiling lubos na nakadepende sa financial support mula sa gobyerno sa loob ng sampung sunod-sunod na taon ay awtomatikong mamarkahan at maaaring isailalim sa mandatory institutional review.

Ang nasabing pagsusuri ay upang matukoy kung dapat pa bang manatili ang GOCC bilang isang korporasyon, kailangan bang i-restructure, i-merge, i-rationalize, o gawin na lamang isang ahensya ng gobyerno base sa mandato, performance, at epekto nito sa kaban ng bayan.

“Dapat sintensyahan na ng DBM at ng Governance Commission for GOCCs (GCG) ang mga GOCC na hindi nagpe-perform nang maayos. Hangga’t aktibo ang mga GOCC na ito, patuloy silang aasa sa subsidiya, na nagdudulot naman ng malaking kabawasan sa pondo ng bayan,” ani Gatchalian.