Pagsasabatas ng WPS Education Bill, inihirit sa Senado
Ni Ernie Reyes
Nanawagan si Senate Committee on Foreign Relations Chairman Erwin Tulfo sa kanyang mga kasamahang mambabatas na pabilisin ang pagpasa ng Senate Bill No. 1625, o ang “West Philippine Sea (WPS) Education Act.”
Layunin ng panukalang na gawing bahagi ng kurikulum sa basic at higher education ang pag-aaral tungkol sa mga teritoryong pandagat ng bansa.

“Bagama’t ito ay isang kritikal na usapin sa soberanya ng Pilipinas, tila marami pa ring mga Pilipino ang walang sapat na kaalaman tungkol sa West Philippine Sea at iba pang teritoryo ng bansa. Kaya naman dapat talaga natin itong isama sa ating education system,” diin ni Tulfo.
“Kailangan na nating kumilos ngayon. Nananawagan ako sa aking mga kasamahang mambabatas na magsagawa ng pagdinig tungkol dito sa lalong madaling panahon. Mahalaga ang bawat sandali upang matiyak na ang mga Pilipino ay may sapat at tamang impormasyon sa sitwasyon ng WPS,” dagdag ng senador.
Sa ilalim ng panukala ni Tulfo, isasama sa mga syllabi ng basic at higher education ang mga materyales sa pag-aaral na angkop sa edad ng mga mag-aaral.
Kabilang sa mga materyales na ito ang mga internationally recognized facts, mga desisyon ng Korte Suprema, at mga kaugnay na batas tungkol sa WPS.
Ang pagbuo ng mga materyales at pagsasanay ay magiging kolaborasyon ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA), National Security Council (NSC), Department
of Foreign Affairs (DFA), at iba pang kaugnay na ahensya ng gobyerno.
Kapag ganap nang naging batas, magiging mandato ng DepEd na magsagawa ng kaukulang pagsasanay para sa mga guro na nakatalagang magturo ng WPS Education.
Binanggit din ng veteran journalist turned lawmaker na ang pagkakabit ng paninindigan ng bansa sa WPS sa sistema ng edukasyon ay susuportahan ng mga masugid na awareness campaigns.
“Malaki ang gagampanang papel ng media sa paglulunsad natin ng pambansang kampanya para sa impormasyon tungkol sa ating maritime rights, proteksyon ng marine ecosystems, at tumpak na pampublikong diskurso,” pahayag ni Tulfo.
Hinihikayat din ng panukalang batas ang mga State Universities and Colleges (SUCs) na dagdagan ang mga pananaliksik at pag-aaral tungkol sa maritime security and governant, mga coastal communities, at iba pa.
“Maipaglalaban lamang natin ang ating mga karapatan kung alam natin kung ano ang mga ito. Kung ipagpapaliban natin ito, madaling magiging target ng disinformation at propaganda ang mga Pilipino na maaaring makaapekto sa kaisipan ng susunod na henerasyon tungkol sa West Philippine Sea,” pagtatapos ni Tulfo.
