Case-buildup vs Romualdez, tanging rekomendasyon ng Blue Ribbon – Lacson
Ni Ernie Reyes
Tanging rekomendasyon na magsagawa ng “case buildup” laban kay dating House Speaker Martin Romualdez na nakatakda sa revised partial Blue Ribbon committee report sa pamamagitan ng pagkakalap ng ebidensiya hinggil sa pagkakasangkot nito sa flood control scandal, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson nitong Miyerkoles.
Sa pahayag, nilinaw ni Lacson, chairman ng komite na hindi maisasama si Romualdez sa listahan ng personalidad na irerekomendang sumailalim sa preliminary investigation sa partial report dahil kapos sa ebidensiya na magpapatunay na may koneksiyon siya sa isyu.
“In the case of Speaker Romualdez, hindi siya for preliminary investigation kasi nga walang validation, walang corroboration unlike do’n sa iba,” ayon kay Lacson sa interview.
“Kay Speaker Romualdez, ang recommendation doon sa kanya i-pursue ‘yung mga ebidensya na nakalap patungo sa preliminary investigation. Pero wala pa do’n. So more on fact-finding o case build up at saka ‘yung inirecommend siya para ‘yung AMLC, magsagawa ng tracking nung mga movement ng accounts,” dagdag niya.
Ayon kay Lacson na kapag may sapat na ebidensiya upang suportahan ang “whistleblower na si Orlyn Guteza na hindi na makita ngayon, irerekomenda ng komite sa final report na magsagawa ng preliminary investigation laban kay Romualdez na pinsan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“In the case of Speaker Romualdez, kasi ‘di ba ang naging basehan lang sa pag-rerekomenda sa kaniya ‘yung statement ni Guteza. Hindi pa naman kami umaabot doon sa huling pagdinig kasi partial nga ito eh,” ayon kay Lacson.
“At saka kung magkakaroon ng pagdinig ng halimbawang merong validation o corroboration doon sa pagli-link kay former Speaker Romualdez, sa final report ng Blue Ribbon, mapapalitan ‘yun. Masasama na siya do’n sa irerekomenda for preliminary investigation,” ayon kay Lacson.
