SENADO, NAGPAKITA NG NGIPIN SA CHINA: Mga grupo, nagkaisa: “Hindi Naming Isusuko West Philippine Sea”

Ni Iza Aldana

Matatag at nagkakaisang paninindigan ang ipinakita ng iba’t ibang civil society groups matapos purihin ang Senado ng Pilipinas sa pagpapatibay ng Resolusyon Blg. 37 na kumokondena sa umano’y hindi katanggap-tanggap na mga pahayag at asal ng Embahada ng Tsina laban sa mga opisyal at institusyon ng pamahalaan.

Pinangunahan ng Filipinos Do Not Yield Movement ang pinagsamang pahayag kasama ang ilang alyansa at sektor, kung saan iginiit nilang malinaw na mensahe ang hakbang ng Senado: hindi uurong ang Pilipinas sa usapin ng soberanya at pambansang dignidad.

Ayon sa mga grupo, napapanahon ang resolusyon sa gitna ng patuloy na presensya at umano’y panghihimasok ng mga sasakyang pandagat ng Tsina sa West Philippine Sea.

“Hindi lamang ito usapin ng teritoryo. Usapin ito ng dangal, kabuhayan, at kinabukasan ng bawat Pilipino,” saad sa kanilang pahayag.

Binanggit din ng koalisyon na nakabatay ang paninindigan ng bansa sa mga umiiral na pandaigdigang batas, kabilang ang United Nations Convention on the Law of the Sea at ang South China Sea Arbitration Award, na kumikilala sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.

Nilinaw ng grupo na hindi sila nananawagan ng digmaan, kundi kapayapaan na may paggalang sa batas at soberanya. Ngunit sa harap umano ng pananakot at pambubully, hindi sila mananahimik.

Kasama sa lumagda sa pahayag ang iba’t ibang organisasyon ng kabataan, komunidad, at volunteer groups na nagpahayag ng buong suporta sa Senado at nanawagan ng pagkakaisa ng mamamayan.

Para sa kanila, ang kolektibong tindig ng taumbayan ang pinakamalakas na depensa ng bansa.

“Ang bayan ang magpapasya. Atin ang West Philippine Sea. Hindi kami susuko,” pagtatapos ng kanilang pahayag.