TOTAL BAN SA E-SABONG, ONLINE GAMBLING, MULING INIHIRIT NI CAYETANO

Ni Ernie Reyes

Muling nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano kamakailan ng total ban sa e-sabong at online gambling, kasunod ng mga ulat ng patuloy na paglaganap ng ilegal digital betting platforms sa  pagdinig ng Senate Committee on Games and Amusement.

Sa pagdinig nitong February 11, 2026, iniulat ng mga awtoridad ang monitoring at pag-block sa libu-libong ilegal na gambling websites, habang libu-libong iba pa ang natatanggal bawat buwan dahil lumilipat ang mga operator ng URL at iniiwan ang operasyon sa ibang bansa.

Ayon kay Cayetano, pinapatunayan ng pattern na ito ang matagal na niyang babala na hindi kayang habulin ng regulation lang ang laki at bilis ng online gambling.

“Even without any cost benefit analysis, it’s a scientific fact that an addiction that is openly offered and made available to people who are susceptible to that addiction. We have to speak up because the future of our country and the future of our children and their children depend on us. Let us not let this new pandemic threaten and destroy our values,” sabi ni Cayetano sa isang statement.

Bagamat binigyang diin ng mga regulator ang mga hakbang tulad ng mas mahigpit na Know-Your-Customer rules, advertising restrictions, at multa na umaabot sa daan-daang milyong piso, patuloy pa rin ang operasyon ng ilegal na e-sabong platforms sa labas ng hurisdiksyon ng Pilipinas.

Matagal nang kritiko si Cayetano sa anumang uri ng sugal. Noong 2022 elections, siya ang nag-iisang kandidato sa Senado na may malinaw na paninindigan laban sa gambling.

Ayon sa kanya, hindi dapat puro kita lang ang tutukan ng gobyerno mula sa gambling operations kundi pati na rin ang mas malawak na epekto nito sa lipunan

Sinabi rin niya na delikado ang accessibility ng digital platforms, lalo na para sa kabataan.

“Gambling is addictive. Using the internet is addictive. If you put the two together, you can do that kind of gambling anywhere and anytime. Napaka delikado nito para sa atin,” dagdag niya.

Ipinakita rin sa pagdinig na ilan sa mga ilegal na e-sabong operations ay nasa labas ng bansa, kaya mas mahirap ipatupad ang batas.

Ayon pa kay Cayetano, mas pinapalakas nito ang pangangailangan ng mas matibay na polisiya.

“Kailangan nating putulin ang ugat ng problema. What the government earns from these online gambling operations pales in comparison to the losses the people incur in terms of gambling debt, crime, the breakup of families, and much much more,” aniya.