Lock down sa 200 TEIs na zero passers, hirit ni Gatchalian sa CHED

Ni Ernie Reyes

Hiniling ni Senador Win Gatchalian sa Commission on Higher Education (CHED) na tuluyan nang ipasara ang mahigit 200 Teacher Education Institutions (TEIs) na walang nakapasa kahit isang estudyante sa Licensure Examination for Teachers (LET).

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na makatitiyak sa ganitong paraan na makakatanggap ng dekalidad na edukasyon ang mga mag-aaral na gustong maging guro.

Batay sa datos ng Teacher Education Council, sinabi ni Gatchalian na may 200 na TEI na walang naitalang LET passers para sa secondary level noong 2024, habang 121 naman ang walang naipasa sa elementary level. Sa kasalukuyan, 397 na teacher education programs ang inirerekomendang ipasara ng Commission on Higher Education (CHED).

Noong 2024, inamyendahan ang CHED Memorandum Orders (CMO) 74 hanggang 80 at 82 upang matiyak ang kalidad ng pre-service education sa bansa.

Sa ilalim ng inamyendahang CMO, ang mga TEI na palagiang hindi umaabot sa pamantayan at hindi sumusunod sa minimum standards ng CHED ay bibigyan ng abiso para sa agarang pagpapasara.

Gayunman, hindi pa ganap na naipatutupad ng CHED ang patakarang ito dahil sa pagtutol ng ilang mga TEI na nagsasampa ng kaso upang pigilan ang pagsasara ng kanilang mga programa.

“Sinasayang natin ang oras ng mga nais maging guro kung hindi natin sila bibigyan ng pinakamahusay na edukasyon. Kaya naman hinihikayat natin ang CHED na ipasara ang mga TEI na ito,” ani Gatchalian, may-akda ng Senate Bill No. 52 na naglalayong amyendahan ang Philippine Teachers Professionalization Act of 1994.