Paglusaw sa travel tax, ikinasa ni Kiko sa Senado; ‘Pahirap sa OFWs’
Ni Ernie Reyes
Naghain ng isang panukalang batas si Senador Francis “Kiko” Pangilinan upang lusawin ang travel tax na sinisingil sa bawat Filipino na nagpupunta sa abroad na nagpapahirap sa pasanin ng oversea Filipino workers (OFWs).
Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan na nagsisilbi lang pabigat ang travel tax sa mamamayan na sumasagka sa karapatan ng paglalakbay ng mga mamamayang may limitadong kakayahan.

“By lowering the cost of international travel, we expect to stimulate passenger volume, increase spending on transport, accommodation, food, and services, and generate positive spillovers across the economy,” aniya sa explanatory note ng Senate Bill No. 1843
Inihain ni Pangilinan ang panukala nitong Pebrero 11, 2026 na isa sa legislative agenda ng administrasyon.
“Increased travel activity also strengthens people-to-people exchanges and supports the Philippines’ positioning as a competitive and accessible destination,” dagdag nito.
Ipinaliwanag ni Pangilinan na dagdag gastusin pa ang kasakukuyang mandatory travel tax – P2,700 sa first-class passengers at P1,620 sa economy class – na lubhang pabigat sa karapatan ng mamamayan at kakayahang magbiyahe sa labas ng bansa na ginagarantiyahan sa Article III, Section 6 ng 1987 Philippine Constitution.
Sa halip na komolekta ng travel tax, ayon sa senador, dapat pondohan ang umiiral na programa mula sa pambansang badyet ng Department of Tourism para sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority.
Tumatanggap din ng alokasyon mula sa naturang programa ang Commission on Higher Education for the Higher Education Development Fund at National Commission for Culture and the Arts para sa National Endowment Fund for Culture and the Arts.
“If passed, the measure will abolish the travel tax imposed under Presidential Decree No. 1183, as amended, and Section 73 of Republic Act No. 9593, or the Tourism Act of 2009,” ayon sa panukala ni Pangilinan.
