TRABAHO NG PINOY, NADAMAY SA GIRIAN NG PILIPINAS AT CHINA; DFA, SINITA ANG CHINA SA PAMBABANTA!

Ni Nelle de San Jose

Sinita ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Chinese Embassy dahil sa umano’y pahayag na nag-uugnay sa pagkawala ng trabaho ng mga Pilipino sa iringan ng dalawang bansa.

Ayon sa DFA, hindi nito nagustuhan ang tono ng embahada na tila nagpapahiwatig na maaaring maapektuhan ang kabuhayan ng mga Pilipino kung lalala pa ang kasalukuyang sigalot.

“Sa ganitong sitwasyon, baka ito’y magmukhang panggigipit,” diin ng DFA, sabay panawagan sa Chinese Embassy na maging responsable sa kanilang mga pahayag sa publiko.

Kasabay nito, mariing kinondena rin ni Akbayan Partylist Representative Perci Cendaña ang panggigipit ng China at tinawag itong “economic hostage taking”.

Matatandaang nag-ugat ang isyu matapos magbabala ang Chinese Embassy sa Maynila na posibleng “milyun-milyong trabaho” ang mawala at maapektuhan kapag nasira ang diplomatikong ugnayan ng dalawang bansa lalo na kung itutuloy ng ilang mambabatas ang mga patakaran kontra sa mga diplomat ng China.

Samantala, ayon sa Spokesperson ng Chinese Embassy na si Ji Lingpeng, dapat mag-ingat sa mga kilos na may kinalaman sa diplomasya ang Pilipinas dahil maaari itong magdulot ng dagok sa ekonomiya — at sa mga manggagawang Pilipino.

Sa kabilang banda, para naman sa ilang mambabatas isang “nakatagong banta” umano ang naturang pahayag, lalo na’t mainit pa rin ang usapin sa West Philippine Sea.

Sa kasaluyukan, patuloy pa rin ang tensyon sa dalawang bansa dahil sa mga insidente sa West Philippine Sea, kabilang ang resupply missions o pagbibigay ng ayuda ng Pilipinas para sa mangingisdang Pilipino at ang presensya ng mga barko ng China sa loob ng exclusive economic zone ng bansa.