‘DALI ACT’ O ISANG ARAW NA PAGKUHA SA AYUDA, APRUBADO NA SA SENADO!

Ni Nelle de San Jose

Aprubado na ng Senado sa huling pagbasa ang Senate Bill No. 155 o mas kilala bilang ‘Direkta at Agad na Lingap at Interbensiyon’ (DALI) Act na naglalayong pabilisin at pasimplehin ang pagkuha ng tulong pinansyal mula sa mga ahensya ng gobyerno.

Layunin umano ng panukala na bawasan ang mga dokumento ng mga aplikante at siguraduhing maiproseso ang kanilang kahilingan sa loob lamang ng isang araw.

Mayroong labing-siyam (19) na senador ang bumoto pabor sa panukala na inihain ni Senator Erwin Tulfo.

Pahayag ni Tulfo, isa sa matagal na problema ng publiko ang mabagal, matagal na proseso sa paghingi ng ayuda, kabilang na ang mga may malubhang karamdaman at yung mga nasa laylayan na kapos sa pambayad ng mga medikal na gastusin.

“Matagal nang pinahihirapan ang ating mga kababayan ng sobra-sobra at paulit-ulit na mga dokumento para lang makakuha ng ayuda. Dahil dito, naaaksaya ang kanilang oras, pera at kung minsan apektado ang kanilang dignidad,” saad ng senador.

(“For too long, our kababayans have been burdened by excessive and repetitive documentary requirements. These requirements cost them time, money, and sometimes dignity.”)

Bunsod nito, sa ilalim ng DALI Act, tatlong dokumento na lamang ang kinakailangan sa pagkuha ng tulong pinansyal: isang valid government-issued ID; billing statement mula sa ospital, at orihinal na kopya ng medical certificate na may kumpletong detalye.

Pinapayagan din sa ilalim ng panukala ang paghahain ng request ng relatives o kamag-anak o ng naturang benepisyaryo, basta’t may kalakip na authorization letter at valid IDs. Bukod pa rito, isinusulong din ng DALI Act ang digital na paghahain ng aplikasyon.

Dagdag pa ni Tulfo, ang DALI Act ay bahagi ng mas malawak na reporma ng gobyerno upang gawing mas makatao at inklusibo ang serbisyo ng pamahalaan. Aniya, dapat talaga na maging abot-kamay ang tulong para sa lahat ng mga Pilipinong nangangailangan.