Trabaho sa IT-BPM, nanganganib maglaho sa AI, cyber security – Bam Aquino

Ni Ernie Reyes

Nagbabala si Senador Bam Aquino hinggil sa lumalaking banta ng artificial intelligence (AI) at mga panganib sa cybersecurity sa IT at Business Process Management (IT-BPM) industry sa bansa, sa gitna ng pagkawala ng maraming trabaho sa maraming kumpanya.

Sa kanyang opening statement sa pagdinig ng Senate Committee on Science and Technology—na siya ang chairperson — ukol sa sitwasyon ng sektor ng IT-BPM sa bansa, binigyang-diin ni Aquino ang agarang pangangailangan na magtulungan ang mga ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor upang tugunan ang mga umuusbong na hamon.

“Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay isa sa mga nangungunang bansa para sa IT-BPM. Pero alam nating nanganganib ang posisyon natin dahil sa mabilis na pagbabago sa teknolohiya. Kailangan natin magsama-sama para tugunan ang mga isyung ito, para lumago pa at maprotektahan ang IT BPM industry ng ating bansa,” sabi ni Aquino, na nagsumite ng Senate Resolution No. 253 para matalakay ang mabilis na pagbabago at hamon sa IT-BPM sector.

Ayon kay Aquino, kailangan ang mabilis na aksyon upang maprotektahan ang sektor ng IT-BPM, na nananatiling pangunahing haligi ng ekonomiya ng Pilipinas. Ang sektor ay nagbibigay ng trabaho sa humigit-kumulang 1.9 milyong Pilipino, nag-ambag ng 8.2 porsyento sa GDP ng bansa, at kumita ng higit $40 bilyon noong 2025.

“Kung hindi tayo gagalaw, posibleng maubos itong industriya na talagang nais masuportahan pa at marami nang natulungan sa ating bansa in the past decade and more,” wika ng senador.

“Nais nating makita ano ba ang mga puwede nating gawin para matulungan natin ang 1.9 million Filipinos working in the IT-BPM industry. Makita nating mas lumaki pa ito, mas lumaganap pa ito, at mas kayang tugunan ang mga posibleng banta sa industriya na nakikita na po natin,” dagdag pa niya.

Sa pagdinig, iniulat ni Jarmie Bateson, managing director ng cloud accounting firm na Nimbl, na siyang bumili sa iResponse Business Solutions Inc. sa Cebu, ang matinding pagbaba ng kanilang bilang ng empleyado.

Ayon kay Bateson, mula sa higit 300 na empleyado sa kasagsagan ng kanilang operasyon, kasalukuyang ay wala nang 100 ang empleyado ng Nimbl matapos mawalan ng ilang kliyente dahil sa pagbaba ng demand sa tradisyunal na outsourcing services dahil sa AI-driven automation.

“The impact of that to our company is that we lost 70 percent of our revenue. Akalain mo ba naman 300 kami, tapos ngayon less than 100 na lang. I think currently, we are at 67 or 68,” wika niya, sa pagsasabing karamihan sa apektadong empleyado ay entry-level at marami sa kanila ay breadwinners ng kanilang pamilya.

Bukod sa AI, sinabi ni Celeste Ilagan, chief operating officer ng IT and Business Process Association of the Philippines (IBPAP), na may iba pang hamon ang IT-BPM industry na maaaring makaapekto sa inaasahang paglago nito sa 2.5 milyong empleyado at $59 bilyong revenue pagsapit ng 2028.

“There is a lot more that affects the growth of our industry. We need all the help we can get so that investors that are here continue to stay in the country and expand and also invite more players if the Philippines continues to be known as the best destination for IT-BPM,” sabi niya.

Binanggit niya ang patuloy na isyu sa ease of doing business sa mga lokal na pamahalaan, hindi magkakatugmang regulasyon sa mga requirements sa empleyado, tumataas na gastos sa negosyo, mga patakaran ng Department of Labor and Employment (DOLE), dumaraming cybercrimes na ginagawa ng ilang “bad actors” sa industriya, at kakulangan ng kwalipikadong talento upang palakasin ang paglago ng sektor.

Sinabi ni Aquino na pupulungin niya ang mga kaukulang ahensya ng gobyerno at stakeholders ng industriya upang pabilisin ang upskilling programs para sa manggagawa sa IT-BPM subsectors na maaaring mawalan ng trabaho dahil sa teknolohikal na pagbabago.

“We’ll call for a meeting separately, with all of the industry players, so we can get ahead of the problem. Ang kaba ko, the usual bureaucratic pace is not the same pace as the technology. Posibleng mawawalan ng trabaho 100 thousand, 200 thousand na tao. It’s very possible that in one of the subsectors, ganung kalaki ang losses,” sabi ni Aquino.

Iginiit din niya kahalagahan ng pagtugon sa krisis sa edukasyon sa bansa upang maprotektahan ang hinaharap ng IT-BPM workforce at mapanatili ang patuloy na paglago ng industriya.

“Dagdag po sa isyu ng trabaho sa IT-BPM ay ang krisis sa edukasyon na hinaharap ng ating bansa. Kung hindi natin matutugunan ang bumabagsak na rate of proficiency and literacy, mas lalong apektado ang ating industriya. Pag hindi po natin matutugunan ito, mahihirapan ang mga kabataang Pilipino na makahanap ng trabaho sa industriyang ito,” sabi niya.

Idinagdag din ni Aquino na mahalaga rin ang reskilling upang maprotektahan ang mga kasalukuyang nagtatrabaho sa IT-BPM sector.