Boses ng Kabisayaan, Narinig sa Konsultasyon kontra Political Dynasty

Ni Darwell Baldos

Binigyan diin ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III nitong Huwebes ang kahalagahan na marinig ang boses ng Kabisayaan sa isinagawang konsultasyon hinggil sa Anti-Political Dynasty Act na ginanap sa Cebu City.

Sa isang video message na ipinadala sa isinasagawang konsultasyon sa University of the Philippines-Cebu, sinabi ni Dy ang hakbang na ganapin ang konsultasyon sa labas ng Metro Manila ay upang makuha ang sentimyento ng bawat mamamayan sa iba’t ibang lugar sa bansa.

“Ngayon naman po ay lumalapit ang Kongreso sa inyo, mga mahal naming taga-Visayas, dahil ang inyong tinig at damdamin ay aming pinahahalagahan at isinasaalang-alang,” sinabi ni Dy. 

Ang isinagawang konsultasyon sa Cebu ay matapos ang mga naunang pagdinig na ginawa sa Carmona, Cavite, at gaganapin naman sa Cagayan de Oro City, para sa Kamindanawan.

Ang inisyatibo ang pinagunahan ni House Committee on Suffrage and Electoral Reforms chairman at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong. Speaker Dy at House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, ang may akda ng House Bill No. 6771, o Anti-Political Dynasty Bill.

“Sa ngalan po ng House of Representatives, nagpapasalamat po kami na binuksan po ninyo ang inyong puso, isipan, at mga komunidad para sa mahalagang usapin ng Anti-Political Dynasty Bill,” pahayag ni Dy.

Ayon kay Dy, ang naganap na pagdinig sa Cavite ay nagpakita kung papaano kahalaga sa bawa’t Pilipino ang isyu ng political dynasty.

 “The (Cavite) discussions were honest, thoughtful, and deeply rooted in real experiences. We heard both sides. And rather than divide us, these differing views strengthened our understanding of the complexities of the issue,” sinabi ni Dy. 

Ang mga konsultasyon o pagdinig ay isinasagawa upang malaman sa taumbayan ang kanilang hinanakit, suhestyon o kasagutan sa isyu ng limitasyon sa mga magkakamag anak na maaring lumahok sa bawat halalan, kung hanggang saan na relasyon ang dapat ipagbawal at kung ano ang mga posisyon na maaring maapektuhan.

“Ang Kapulungan ay handang makinig at kumilos para sa ikabubuti ng ating bansa,” sinabi ni Dy.