MEDICAL SCHOLARSHIP, TUMANGGAP NG PINAKAMALAKING PONDO SA 2026 – Gatchalian
Ni Ernie Reyes
Inihayag ni Senador Win Gatchalian na may pinakamalaking badyet ang inilaan ng para sa 2026 para sa Medical Scholarship and Return Service (MSRS) Program na mapakikinabangan ng mas maraming estudyanteng gustong mag-aral ng medisina at iba pang allied health courses.
Ayon kay Gatchalian, chairman ng Senate committee on finance na makakatanggap ang MSRS ng P1.1 bilyon ngayong fiscal year, ang unang beses na lumagpas ito sa P1 bilyon.
Susuportahan ng pondo ang isang libong bagong medical scholars at patuloy na susuportahan ang 2,869 kasalukuyang scholars na nagsasanay upang maging doktor.
Ang alokasyon ay nakaayon sa pagpapatupad ng Doktor Para sa Bayan Act (Republic Act No. 11509), na nagtatag ng MSRS para sa deserving students sa mga state universities and colleges (SUCs) o sa mga partner na pribadong higher education institutions sa mga rehiyon kung saan walang SUC na nag-aalok ng kursong medikal.
Kapag nakapasa sa Physician Licensure Examination, magsisilbi ang mga medical scholars sa public health system at magbibigay ng hindi bababa sa isang taon ng return service para sa bawat taon ng scholarship na kanilang natanggap.

“Bahagi ng makasaysayang pondong pang-edukasyon ngayong taon ang scholarship para sa susunod na henerasyon ng mga doktor. Mahalaga ito upang matugunan ang kakulangan sa mga doktor at masiguro ang sapat na serbisyong medikal para sa bawat Pilipino,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Finance.
