TRABAHO NI BATO SA PAGDINIG NG PANUKALANG PAGBABAWAL SA PUBLIC OFFICIALS SA GOV’T PROJECTS, IPINASA KAY ESCUDERO

Ni Ernie Reyes

Inaprubahan ng Senado na ilipat ang tungkulin  ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa nilikhang subcommittee upang dinggin ang panukalang batas na nagbabawal sa public officials kabilang ang kaanak nito na sumawsaw sa government project.

Nitong Martes, inaprubahan ng plenaryo na ipasa kay Senador Francis “Chiz” Escudero ang tungkulin ni Dela Rosa na nagbabawal sa public officials na pumaloob sa anumang kontrata sa gobyerno dahil palaging absent ang dating hepe ng pulisya.

Nilikha ng Senado ang isang subcommittee sa ilalim ng Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation na pinamumunuan ni Dela Rosa.  

Sinabi ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na hiniling ni Dela Rosa sa plenaryo na italaga si Escudeo sa komite bilang chairman ng parent committee. Kaya ibinigay sa komite na pinamumunuan ni Escudero ang Senate Bill No. 783 na magsisilbing pamantayan sa pagtataguyod ng transparency at accountability sa public procurement.

Matagal nang isinusulong ni Escudero, principal na awtor ng SB 783, ang reporma na ipagbawal sa sinumang public officials at kaanak nito  hanggang ika-apat na relasyon sa paglahok sa anumang kontrata sa pamahalaan.

Bukod kay Escudero, co-author ng panukala sina Senador Bong Go at Joel Villanueva.

Sa paghahain ng panukala noong Agosto 4, 2025, iginiit ni Escudero na palalakasin ng pagbabawal sa public officials na sumawsaw sa government projects ang procurement safeguards at punan ang pagkukulang ng pamahalaan na maimpluwensiyahan ang pampublikong transaksiyon. “Such reforms are vital to restoring public trust and ensuring that government resources are allocated fairly and transparently. “

“This subcommittee will ensure that integrity in public service is not only discussed but institutionalized,” ayon kay Escudero.  

“By disqualifying relatives of officials from government contracts, we close the loopholes that allow undue influence and strengthen the country’s procurement safeguards as part of our continuing efforts to fight graft and corruption,” aniya.  

 “Makakaasa ang taumbayan na ang mga pulong na ating pangungunahan ay mananatiling transparent at bukas sa pagdinig ng bawa’t panig upang matiyak na ang resulta ng mga public hearings na ito ay malinaw, at tunay na nagsusulong ng tapat na pamahalaan,” patapos ng senador.