‘Walang Pinoy na dapat isuko sa dayuhan nang di nasusuri ng PH courts – Cayetano

Ni Ernie Reyes

Mahigpit na pinandigan ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Miyerkules na dapat tiyakin ng gobyerno na walang Pilipinong nahaharap sa international arrest warrant ang ipadadala sa ibang bansa nang hindi muna binibigyan ng pagkakataon na humingi ng tulong sa lokal na korte.

Sa kanyang pagco-sponsor ng Senate Resolution No. (SRN) 307 na inihain ng Minority bloc nitong February 25, 2026, idiniin ni Cayetano na ang resolusyon ay isang constitutional safeguard na nakabatay sa aral ng 1987 Constitution.

“Ang pinag-uusapan dito ay ang issue 40 years ago, issue din po ngayon [na] ‘pag may biglang aarestuhin [na Pilipino,] kailangan ang aarestuhin na ‘yun ay may pagkakataong pumunta sa Philippine courts to seek remedy,” wika ni Cayetano.

“If you look at the International Covenant on Civil and Political Rights, naroon din ito. It’s part of the generally accepted principles of international law,” dagdag niya.

Ayon kay Cayetano, ang SRN 307 ay para sa lahat ng Pilipino at hindi nakatuon sa kahit sinong personalidad o mga kasong kasalukuyang umiiral.

“Ang substance ng resolusyon na ito [ay] hindi po si dating Pangulong Duterte, na ngayon po ay gumugulong na [ang kaso] at meron nang confirmation of charges. Hindi rin pinag-uusapan dito whether or not we should join or rejoin the ICC,” paliwanag ng minority leader.

“This [resolution] deals with all Filipinos from the time that we articulate the ‘sense of the Senate’ under our constitution,” dagdag niya.

Binigyang diin niya na mahalaga ang partisipasyon ng korte lalo na sa mga kasong may international arrest warrants.

Binanggit din niya bilang halimbawa ang Canada, United Kingdom, at South Korea na nag-aatas ng domestic legal process bago hayaang maaresto o maipadala ang isang tao sa ibang bansa.

“Hindi ito simpleng bagay na inatas sa judge. All the jurisprudence will say that the [local] judge has to personally determine, he has to examine the evidence, and believe that there is probable cause,” sabi niya.

Ayon kay Cayetano, hindi lang ito usapin ng kasalukuyang kontrobersiya kundi pwede ring makaapekto sa mga opisyal o ordinaryong mamamayan sa hinaharap.

“There might be issues that we do not know, that might be moot and academic, if you just put a Filipino on a plane and send him abroad. All of us here agree na pagdating sa West Philippine Sea, hindi natin ipamimigay, atin ito. Sana naman pagdating sa kapwa Pilipino, atin ‘to, kababayan natin ‘to, tao ‘to. ‘Di dapat basta sinusurrender,” sabi ng senador.

Nagbabala siya na ang paglaktaw sa lokal na korte ay pwedeng magpahina sa proteksyon ng Konstitusyon.

“‘Kapag may warrant na hindi issued ng Philippine judge, kailangan dumaan sa korte iyan. Kung hindi, unconstitutional iyan. At kailangan, ang bawat Pilipino na may tanong at nag si-seek ng remedy ay pwedeng makapunta sa korte ng ating inang bayan,” sabi ni Cayetano.

Nakaschedule ang interpellations sa resolusyon ngayong Lunes, March 2, 2026.