DA kinalampag ni Lacson sa pagpapalago ng industriya ng kape: ‘PH LALAMUNIN NG BRAZIL COFFEE’
Ni Ernie Reyes
Muling nanawagan si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Biyernes na palakasin ang industriya ng kape sa Pilipinas — hindi lamang upang matugunan ang lokal na pangangailangan kundi upang makipagsabayan din sa export markets — matapos ihayag ng Brazil ang plano nitong palawakin ang market share nito sa Pilipinas para sa kape.
Ani Lacson, may mga lugar sa Visayas at Mindanao na maaaring i-develop bilang coffee plantation areas, bagama’t kailangan ng Department of Agriculture (DA) ng suporta dito sa pamamagitan ng batas.

“Coffee is a regular part of a typical Filipino breakfast, lunch, dinner and afternoon meetings. Let’s develop our coffee industry not only for local consumption but to export. Hence, I filed Senate Bill 1556, establishing a Philippine national coffee industry development program,” ani Lacson sa isang post sa X.
Dagdag ni Lacson, kailangang palakasin at suportahan ang DA sa pamamagitan ng batas para gawin ito, lalo na sa mga lugar kung saang ginawa nang residential subdivision ang mga coffee farm.
“As a matter of fact, some regions in Visayas and Mindanao may be suitable as coffee plantation areas. The DA needs to be empowered (and supported) by way of legislation. Vietnam is the second largest producer and exporter of coffee in the world next to Brazil,” aniya, bilang tugon sa comment ng isang netizen sa kanyang X post.
Ayon sa ulat, sinabi ni Brazilian Ambassador Gilberto Fonseca Guimarães de Moura na nais ng kanyang bansa na palawakin ang market share nito sa value-added food markets tulad ng kape, mineral water at alak.
Idiniin ni De Moura na layunin ng mga kumpanyang Brazilian na hindi lamang pumasok sa niche markets kundi pati sa hotel, restaurant at café industry ng Pilipinas, food service sector, at mga specialized stores.
Noong nakaraang Nobyembre, inihain ni Lacson ang Senate Bill 1556 na nagtatatag ng Philippine National Coffee Industry Development Program, matapos niyang banggitin na araw-araw na nakikipaglaban para mabuhay ang ating mga magsasaka ng kape laban sa pagdagsa ng imported na produkto at limitadong suporta mula sa pamahalaan.
Sa ilalim ng Senate Bill 1556, lilikhain ang Philippine Coffee Board na magbibigay ng komprehensibong mekanismo ng suporta para sa sektor ng kape.
“This measure seeks to establish a national framework that will accelerate the development of the coffee industry, create a National Coffee Board, strengthen every link of the value chain, improve the country’s competitiveness, and reduce our heavy reliance on imported coffee,” ani Lacson sa kanyang panukala na pinamagatang “Philippine National Coffee Industry Development Act of 2025.”
Sa ilalim ng panukala, layon ng Estado na gawing globally competitive producer at net exporter ang Pilipinas pagsapit ng 2035; mapabuti ang kabuhayan ng maliliit na magsasaka ng kape na bumubuo ng 95 porsiyento ng mga coffee farm sa bansa; mapanatili at mapahusay ang mga natatanging uri ng kape tulad ng Barako, Robusta, Arabica at Excelsa; tiyakin ang sustainable at climate-resilient na produksyon; at paunlarin ang world-class quality standards at value-added processing capabilities.
Saklaw ng panukala ang lahat ng coffee farmers, kabilang ang mga smallholder na bumubuo ng 95 porsiyento ng mga sakahang may sukat na limang ektarya pababa.
