KAPILYA NG INC TINANGKANG SUNUGIN, SUSPEK ARESTADO

Arestado ang isang 49-anyos na construction worker na umanoy naghagis ng improvise explosive device (IED) sa kapilya ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa Barangay Soledad, Mauban, Quezon noong Lunes ng umaga, Mayo 19, 2025.

Sa ulat, bigla umanong pumasok ang suspek sa loob ng compound ng kapilya bitbit ang tatlong Molotov bottles. Sinubukan umano syang pigilan ng mga myembro ng Iglesia ngunit naipilit pa rin ng suspek ang kanyang sarili. Sinira umano nito ang jalousie window ng kapilya at inihagis ang pampasabog sa loob nito, dahilan upang kumalat ang apoy. Agad namang naapula ng mga myembro ang sunog ngunit nag-iwan parin ito ng pinsala sa mehoras ng kapilya.

Bago tumakas ang suspek ay nagbanta pa umano ito na babalik at susunugin ng tuluyan ang kapilya.

Kinumpirma ni Maj. Arjon Oxina, acting chief-of-police ng Mauban Police Station ang insidente. “Pinasok ng suspek ang simbahan ng INC dala ang tatlong Molotov cocktail bottles, isang uri ng improvise explosive, alas-otso ng umaga noong Lunes”.

Isang oras makalipas ang insidente ay nadakip ang suspek sa barangay Sadsaran sa bisa ng operasyon na ikinasa ng mga rumespondeng awtoridad.

Hindi naman matukoy ng mga pulis ang totoong motibo ng suspek sa pagsunog sa kapilya ng INC.“Bigla na lang daw niya naisip, hindi naman siya lasing, pero sa interview naming sa kaniya, gumagamit sya ng illegal drugs” ani Oxina.

Sinampahan na ng kasong arson ang suspek at iniimbistiganhan parin ng pulisya ang insedente para sa ibang posibleng motibo nito.

Wala pang pahayag ang pamunuuan ng INC hinggil sa naturang insidente. Samantala tiniyak naman ng mga awtoridad ang mas pinaigting ng seguridad sa lugar

###Tito Lucas