ABUSADO AT GANID NA HIPAG, SINAMPAHAN NG KASO

hambalos

     TUMAWAG sa inyong abang-lingkod (HAMBALOS, ni Larry Rosales sa RoadNews Arangkada sa Balita) ang mag-iina upang humingi ng tulong kaugnay sa mga pangyayaring hindi umano makatao at makahayop na ugali na naranasan nilang mag-iina sa kanyang hipag o kapatid ng kanyang asawa at sa pilitang pag-angkin sa mga ari-ariang iniwanan ng kanyang pumanaw na asawa, na minana sa magulang nito, na naganap kamakailan sa Barangay Cupang, Antipolo City.

Ang mag-iinang biktima ng karahasan at di makataong pag-uugali ng nasabing hipag, ay itinago natin sa pangalang si “Maria”, nasa hustong gulang, biyuda at dating nakatira sa kanilang tahanan sa Barangay Cupang, Antipolo City, at  tatlong mga anak nito, sina “Anna”, 7 taong gulang, “Jhon”, 3 taong gulang,   “Rudy”,  2 taong gulang, mga menor de edad.

At ang suspek umano ang kanilang sariling tiyahin kapatid ng kanilang yumaong ama, si Richard T. Quizon, na itinago sa pangalang “Tomboy”, nasa hustong gulang at kasalukuyang naninirahan sa Barangay Cupang, Antipolo City.

  Sa salaysay ng mag-iina, nang makapanayam ni HAMBALOS, noong nabubuhay pa ang kanilang padre-de-pamilya na si Richard, na kasal kay” Maria”, ay masaya silang nabubuhay  sa kanilang tahanan na sarili nilang pag-aari, na minana pa mula sa kanyang mga magulang.

Dahil ang bahay nila ay nasa tabi ng kalsada, nagpagawa ng tatlumpo (30) maliliit na  ‘stalls’ o talipapa ang magulang ni Richard. Dahil tatlong magkakapatid sila Richard, ipinamahagi sa kanila ang nasabing stalls at pinarte na tig sasampung stall sa magkakapatid.

“Sampu (10) stall sa asawa ko,  sampu (10) kay Tomboy, at sampu (10) stall sa isang kapatid nila. Para magkaroon sila ng pagkakakitaan kaya pinauupahan nila ito ng tig-600 bawat araw at may umupa naman dito,” kuwento ni “Maria.”

 Nagtatrabaho si Richard, ang asawa ni Maria, bilang Geodetic Engineer  at Surveyor sa Antipolo Capitol. Noong October 3, 2015, ay pumanaw si Richard at naiwan kay Maria ang tatlo nilang supling. At ang naiwanang mga ari-arian ni Richard, ay naiwan sa kanyang mag-iina.

Pero sa hindi inaasahang pangyayari, nabigla ang mag-iina sa inuugaling kaiba ni Tomboy. Naging mainitin ang ulo nito particular sa kanilang mag-iina at madalas na hina-harass at tinatakot sila at pinagsasalitaang lumayas na sila sa kanilang tinutuluyang bahay, at

pinagsisigawang siya na raw ang may-ari ng lahat na pag-aari ng kanyang asawa.

Kanilang ipinaglaban ang kanilang karapatan dahil sa iyon ay conjugal property dahil kasal sila ng kanyang asawang si Richard.  Subalit dahil sa masamang hangarin at pagigigng ganid umano ni Tomboy, na laging tinatakot sila ng kanyang mga anak, kaya nagpasya sila umalis sa lugar.

Bagama’t mabigat sa kalooban ni Maria na iwanan ang mga ari-ariang iniwan ng kanyang asawa sa kanilang mag-iina, pinili niyang umalis para makaiwas sa gulo at sa tiyak na kapahamakan ng kanyang mga anak.

“Kaya ang upa sa aming naiwan na sampung stalls ay si Tomboy ang  nakikinabang imbes na pangtustos  naming sa pag-aaral ng aking mga anak,” malungkot na kuwento pa ni Maria.

Samantala, kinonsulta ng HAMBALOS ang ating kaibigang Piskal na Idol, pwede raw kasuhan si Tomboy kaugnay sa pagpapa-alis kina Maria sa kanilang tahanan na lumalabas na pamana sa kanila ng kanyang namayapang asawa. At pwedeng mabawi ni Maria ang kanyang pag-aari sampu ng upa sa kaniyang sampung stalls na inangkin ng kanyang hipag.

At sinusulat ang pitak na ito, nagsampa na ng kaukulang reklamo laban kay Tomboy si “Maria” sa prosecutor’s office ng Antipolo City.

Kaya magandang subaybayan ang mga susunod na pangyayari sa kaganapang ito sa buhay ng single parent na si  “Maria” at tatlo niyang anak.